Modernization program ng mga NFA facility, target matapos sa 2026
Maglalaan ang National Food Authority (NFA) ng kabuuang ₱10 billion na pondo para sa kanilang modernization program upang mapabuti ang imbakan ng bigas, makapagpatayo ng mga bagong rice mill, at i-upgrade ang kanilang mga drying facility.
Ang pondo para dito ay magmumula sa pamahalaan, kung saan ₱5 billion ang naaprubahan noong nakaraang taon at ang natitirang ₱5 billion ay bahagi ng national budget ngayong taon.
Dagdag na kapasidad sa imbakan

Isa sa mga pangunahing layunin ng modernisasyon ay ang pagpapalawak sa kapasidad sa imbakan ng bigas. Sa kasalukuyan, may kakayahan ang NFA na mag-imbak ng hanggang 1 million metric tons ng bigas, ngunit hindi ito ganap na napakikinabangan dahil sa iba’t ibang kalidad ng mga iniimbak na butil.
Upang tugunan ito, ₱1.5 billion ang inilaan para sa pagsasaayos ng mga lumang bodega, habang ₱3.5 billion naman ang gagamitin upang madagdagan ng 800,000 metric tons ang kapasidad ng imbakan pagsapit ng 2025.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, malaki ang maitutulong ng mga bagong warehouse upang mas epektibong mapangasiwaan ang suplay ng bigas sa bansa. Sinabi rin niyang halos puno na ngayon ang mga pasilidad ng ahensya.
Bagong rice mills at drying facility

Kasama rin sa modernisasyon ang pagtatayo ng mga bagong rice mill at pag-upgrade ng drying facilities upang mapahusay ang paggiling at pagpapatuyo ng mga palay. Layunin nitong mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka.
Sa bagong sistema, papayagan na ang pagbili ng palay kahit lampas sa kasalukuyang moisture content requirement na 14%. Dahil dito, hindi na kailangang patuyuin ng mga magsasaka ang kanilang palay bago ito ibenta, na magpapagaan sa kanilang trabaho at makakatulong sa pagpapanatili ng patas na presyo sa merkado.
Kasama sa proyekto ang pagsasaayos ng mga kasalukuyang pasilidad, kabilang ang warehouse sa Malolos, Bulacan, na may kakayahang mag-imbak ng hanggang 120,000 sako ng bigas.
Inaasahang matatapos ang mga modernisasyon sa pagtatapos ng 2026, bago ang anihan sa tag-init ng 2027.
Mas mahabang panahon ng imbakan at reporma sa pamamahala ng supply
Plano rin ng NFA na magtayo ng mga ‘silo’ sa mga pangunahing rehiyon ng produksyon kabilang ang Region 2 at 3. Sa pamamagitan nito, maaaring tumagal ang shelf life bigas ng hanggang dalawang taon, kumpara sa kasalukuyang anim na buwan hanggang isang taon.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Lacson na bukod sa pagpapalawak ng imbakan, kinakailangan din ng reporma sa regulasyon upang mas epektibong mapamahalaan ang buffer stocks ng bansa. Aniya, dapat magkaroon ng mas organisadong sistema sa pagpapalabas ng bigas buwan-buwan upang maiwasan ang pagsisikip ng mga imbakan.
Sa kasalukuyang batas, hindi maaaring direktang magbenta ng bigas ang NFA sa publiko. Ngunit dahil sa rekomendasyon ng National Price Coordinating Council, nagdeklara ang Department of Agriculture ng food security emergency. Dahil dito, pinahintulutan ang ahensya na ipamahagi ang kanilang mga reserbang bigas sa mga lokal na pamahalaan upang makatulong sa pagpigil ng pagtaas ng presyo nito.
Ngayong taon, target ng NFA na bumili ng 545,000 metric tons ng palay upang mapanatili ang 9-day supply ng bigas, at 880,000 metric tons upang matugunan ang bagong 15 days na buffer stock requirement na itinakda sa bagong Rice Tariffication Law. #