Mga stall ng paputok, ininspeksyon ng PNP at Bulacan LGU; ligtas na bagong taon, sinisiguro

Ininspeksyon ang display area ng firecrackers at pyrotechnic devices sa Santiago Compound, Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan ngayong Lunes, December 22. Bahagi ito ng paghahanda ng pamahalaan para sa ligtas na selebrasyon ng Bagong Taon.
Pinangunahan ang inspeksyon ni PNP Acting Chief na si PLtGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., kasama sina Police Regional Office 3 PBGen. Ponce Rogelio I. Peñones, Bulacan Police Provincial Office PD PCol. Angel C. Garcillano, BFP PD FSupt. Ernesto S. Pagdanganan, Governor Daniel R. Fernando, at Vice Governor Alexis C. Castro.
Ayon kay PLtGen. Nartatez, layunin ng aktibidad na tiyakin ang kaligtasan ng publiko, pagsunod sa mga regulasyon, at kahandaan ng mga tindahan at display areas bago ang opisyal na pagbebenta at paggamit ng paputok.
Binigyang-diin din niya na hindi na kailangang palawakin pa ang pagbibigay ng detalye tungkol sa ilegal na paputok, upang maiwasan ang media hype at hindi sinasadyang pag-udyok ng kuryosidad ng publiko.
Gayunman, inamin ng PNP Chief na nananatiling hamon sa mga otoridad ang pagbebenta ng imported na paputok sa online platforms na patuloy nilang binabantayan.
Samantala, iginiit ni Bulacan Gov. Fernando ang kanyang suporta sa lokal na industriya ng paputok sa Bulacan sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga kooperatiba upang matulungan ang mga lokal na manufacturer.
Tiniyak ng mga opisyal ang patuloy na mahigpit na inspeksyon at koordinasyon ng mga ahensya upang masiguro ang ligtas at masayang pagsalubong ng publiko sa Bagong Taon. #
