Mga mambabatas, umapelang gawing payak ang pagbubukas ng 20th Congress at SONA

Umapela ang ilang senador at kongresista na gawin lang simple ang pagbubukas ng 20th Congress at ang nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Lunes, July 28, dahil sa sunod-sunod na kalamidad na tumama sa bansa.
Ayon kina Senador Loren Legarda at Senador JV Ejercito, hindi nararapat na gawing magarbo o mala-entablado ang selebrasyon ngayong taon, lalo’t marami pa ring Pilipino ang patuloy na naaapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng mga Bagyong Crising, Dante, at Emong.
Binigyang-diin ni Legarda na dapat ituon ng gobyerno ang atensyon sa mga solusyong may kinalaman sa pagbabaha at iba pang suliraning pangkapaligiran. Aniya, hindi makabubuting maging “out of touch” ang mga opisyal habang naghihirap ang maraming mamamayan.
Kaugnay nito, inirekomenda naman ni Leyte Representative at House Speaker Martin Romualdez ang pagtanggal ng red carpet walk at iba pang ceremonial display.
Bagama’t mananatili umano ang pagiging pormal ng okasyon, sinabi ni Romualdez na mas mainam na gamitin ang red carpet sa praktikal na paraan, sa halip na gawing entablado para sa kasuotan ng mga dadalo.
Dagdag niya, hindi ito usapin ng paglimita sa media access kundi ng pagpapakita ng respeto sa mga nasalanta at pagpapahiwatig ng tunay na estado ng bansa. #
