Mga katutubo at magsasaka ng Capas, Tarlac, iginiit na ancestral domain at pag-aari nila ang lupang pagtatayuan ng Pax Silica Hub
Hinarap ng mga lider-katutubo, magsasaka, at mga kinatawan ng iba’t ibang progresibong samahan mula sa Central Luzon ang media sa isang live conference sa Quezon City nitong Huwebes, August 6, upang ihayag ang kanilang matinding pagtutol sa planong “Pax Silica” hub sa Capas, Tarlac.

Pinalagan ng mga komunidad ang mga pahayag ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na umano’y tiwangwang ang 1,600 hectares na lupain, at ibinunyag ang nararanasang banta ng demolisyon, harassment, at sapilitang pagpapaalis sa mga pamilyang dekada nang naninirahan sa lugar.
Anila, ang pagtutol sa Pax Silica ay hindi lamang nagaganap sa mga lansangan at sa internet, kundi nakakalap na ng lagpas sa kalahating milyong lagda mula sa mamamayang tutol sa proyekto.
Binigyang-diin ni Arnold Padilla, spokesperson ng International League of People’s Struggle (ILPS) Philippines, na hindi raw pwedeng balewalain na lamang ang BCDA at ng gobyerno ang mga isyu mula sa iba’t ibang sektor kaugnay ng Pax Silica, partikular ang pagpapalayas sa mga katutubong Aeta at mga magsasaka sa Capas.
Samantala, ipinunto naman ni Selwyn Almeida, lider-kabataan mula sa Katipunan Student Movement (KASAMA) ng Bulacan State University, na mahigit 400,000 sa mga lagda ay nagmula sa petisyon sa Change.org.
Kinuwestyon niya rin ang sistema ng pamahalaan kung saan inuuna umano ang pagpapatupad bago ang pakikipag-usap sa mamamayan.
“Dahil naniniwala po tayo sa konsultasyon bago implementasyon, hindi implementasyon at pagpirma ng lagda bago ang mismong implementasyon. Naniniwala po tayo na dapat may tunay na pagrepresenta sa boses ng ating mga katutubo, hindi po dapat ito sinasantabi at tunay dapat na pinakikinggan,” pahayag ni Almeida.
Lupa bilang ancestral domain ng mga Ayta
Para sa tribong Ayta sa Capas, ang banta ng Pax Silica ay usapin ng kanilang buhay at salinlahi. Kaugnay niyan, nanindigan ang Chieftain ng Sitio Sapang Kawayan at kinatawan ng Ayta Hung-ey Tribe na si Petronila Capiz-Muñoz o “Apung Pet” na kailanman ay hindi nila lilisanin ang kanilang lupang ninuno.
“Siya o ang kinabubuhay namin, ang aming lupa. Siya po ang pinagtitirikan ng bahay namin… Paano na lang po yung salilnahi namin? Kami po ay nagsusumikap para magtanim sa aming sariling lupang ninuno para yung salinlahi namin, mapaaral namin. Ngayon, andyan po ang proyektong Maxi Silica,” ani Apung Pet.
Ibinunyag din ni Apung Pet na ang kanilang aplikasyon para sa Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ay dekada na nilang ipinaglalaban mula pa noong 1984 at may hawak raw silang mga makasaysayang dokumento at katibayan mula pa sa panahon ng Kastila at Hapon. Ngunit sa kabila raw nito, patuloy pa rin silang ipinagtutulakan ng BCDA.
“Kaya kami po, manindigan po kami doon na hindi kami aalis. Dahil, simula’t sapul, andun na po kami. Hindi lang po ngayon ang aming pinanawagan, hindi lang po ngayon kami nag-claim ng ancestral domain sa NCIP. 1984 pa, kaupo-upo ni Presidente Cory Aquino, andyan na po yung claim namin,” aniya.
“Kami po talaga, ang aming panawagan sa inyo at kay Presidente BBM, sana pakinggan nyo, ang aming lupa ay pag-aari namin, hindi pag-aari ng ibang bansa,” pahayag ng nasabing chieftain.
Umano’y pananakot ng BCDA sa mga magsasaka
Hindi rin ligtas ang mga magsasaka sa Capas, Tarlac na kasabay na ginigipit ng BCDA. Isiniwalat ni Miriam Ventura, isang lokal na magsasaka sa lugar, ang pananakot daw na ginagawa sa kanilang hanay sa pamamagitan ng mga house-to-house visit ng mga tauhan ng ahensya.
“Nag-house to house po sila sa amin. Isa-isa po nilang pinupuntahan ang mga magsasaka para po may kasama ng panakot. Natatakot po ang mga tao pag sila ay individual na pinupuntahan, dinadalhan po ng mga papel na paanyaya na nakasulat po doon na sila ay pinapaalis. Nagbibigay po sila ng ilang araw para lisanin ang aming mga lugar,” pagsisiwalat ni Ventura.
Tinuligsa naman ni Danilo “Ka Daning” Ramos, chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ang diumano’y pambabarat at panggigipit sa mga residente sa pamamagitan ng pag-aalok ng napakababang halaga kapalit ng kanilang kabuhayan.
“Para po sa mga magbubukid at katutubo, ang lupa ay katumbas ng buhay. Tama po sila? Kapag inalis ang mga magsasaka at katutubong mamamayan, ang kahulugan dito ay unti-unti mo na sila o biglang papatayin… Wala pong katumbas ang ₱30 per square meter. Hindi pa nga makakabili ng isang order na goto, ₱50 ang isang order ng goto. ₱30 per square meter, ₱300,000 per hectare,” ani Ka Daning.
Ipinakita rin sa presscon ang isang opisyal na sulat mula sa BCDA na may petsang July 8, 2026, na ipinamahagi raw sa mga residente gaya ni Joselito Ventura sa Sitio Rivera, Brgy. Sta. Lucia, Capas, Tarlac.
Nakasaad sa sulat na maaapektuhan ng proyekto ang kanilang tinitirhan at binibigyan lamang daw sila ng 10 araw upang makipag-ugnayan sa BCDA. Dagdag ni Apung Pet, sinabihan pa silang Disyembre na lang ang kanilang palugit sa lugar.
“Dahil ang pagsabi sa amin, nung binigay yung mga sulat na yan, hanggang December na lang kami. So bilang pong chieftain ng katutubo, nag-report, pumunta po ako sa BCDA. Bakit? Inaano nyo kami ng hanggang December lang. Ano ba yan, ma’am? Bakit nyo po kami ginaganito?”
Pax Silica site, 4.6% lang ng kabuuang Clark Freeport at Special Economic Zone: BCDA

Samantala, pinasinungalingan din ng Makabayan Bloc sa pamumuno ni Rep. Antonio Tinio ang mga pahayag ng gobyerno na wala umanong mawawalan ng tirahan o kabuhayan sa 1,600 ektaryang pagtatayuan ng Pax Silica.
“Direktang narinig po natin, hindi tiwangwang ang malawak na 1,600 hectares na inilaan para sa Paxilica. Nariyan po ang mga kababayan nating magsasaka at mga katutubo na napakatagal nang nandyan at dyan nabubuhay sa lupa at sila ang ngayon hinaharas, pinapalayas,” giit ng kongresista.
Pero sa isang Facebook post, iginiit ng BCDA na maliit lamang ang bahagi ng lupang nakalaan para sa panukalang Pax Silica Innovation Ecosystem sa New Clark City kumpara sa kabuuang lawak ng Clark Freeport and Special Economic Zone.
Ayon sa BCDA, 1,620 hectare o 4.6% lamang ng 35,300 hectares na Clark Freeport and Special Economic Zone ang saklaw ng proyekto. Anila, matatagpuan ito sa mga lugar na itinakda sa master development plan para sa industrial, residential, institutional, at mixed-use development.
Sinabi rin ng ahensya na 15,141 hectares o 43% ng ecozone ang nananatiling nakalaan bilang ancestral domains para sa mga Indigenous People, habang 60% naman ng kabuuang New Clark City ay permanenteng inilaan para sa mga kagubatan, parke, daluyan ng tubig, at iba pang green open spaces.
Bukod dito, may hiwalay pa raw na 10,700 hectares sa labas ng ecozone na nakalaan para sa mga benepisyaryo ng Agrarian Reform Program.
Geopolitical tension ng U.S. at China
Binigyang-diin pa ni Tinio na ang Pax Silica ay hindi raw para sa pambansang interes ng Pilipinas kundi sa geopolitical agenda ng Estados Unidos sa pakikipagtunggali nito sa China para sa kontrol sa Artificial Intelligence (AI) at defense industry.
“…na ang Pax Silica ay talagang direktang interes ng U.S. sa laban nito, sa tunggalian nito kontra sa China para ma-control ang industriya ng AI, artificial intelligence. Nais gamitin nito ang ating likas-yaman, ang tinatawag nilang critical minerals, lalong-lalo na ang pagmimina ng nickel at ang paggamit ng ating murang lakas-paggawa para mag-produce ng microchips para sa defense industrial base ng Estados Unidos,” ani Tinio.
Bukod sa usapin ng lupa, malaking banta rin umano sa kalikasan at seguridad sa tubig ang ipinaglalaban ng mga grupo.
Ayon kay Gabriel Magtibay ng League of Filipino Students (LFS) at kay Arnold Padilla ng ILPS, nasa 900 million liters per day ang projected na gagamitin ng mga data center at pasilidad ng Pax Silica. Katumbas na daw ito ng pangkalahatang konsumo sa tubig ng 14 na munisipyo sa Tarlac o kayang magpatubig ng 900 hectares sakahan ng palay.
Panawagan ng mga katutubo at magsasaka
Hindi lang daw kanilang mga sakahan ang pinupuntirya sa lugar. Sa katunayan, ayon kay Apung Pet, nilapastangan din daw ang kanilang mga sementeryo at burial grounds sa Sitio Binayayan at Sitio Sapang Kawayan na giniba at sinagasaan diumano ng mga bulldozer para sa konstruksyon ng kalsada ng BCDA.
“Sabi ko sa kanila, burial ground po namin yan. Andiyan po yung namatay ng mga kapatid ng tatay ko… Kakaunti na lang po yung natira doon sa burial ground namin. Ngayon, itong uumpisahan, na-start, na papunta ng Pax Silica, may burial ground din po kami doon,” ani Apung Pet.
Sa kabilang banda, naihain na raw sa Mababang Kapulungan ang apat na resolusyon upang imbestigahan ang planong pagtatayo ng Pax Silica, ngunit ayon kay Cong. Tinio, sadya itong ginigipit sa Committee on Rules na pinamumunuan ni House Majority Leader Sandro Marcos.
“Inuupuan naman ng anak [ni PBBM] ang anumang imbestigasyon at pagtutol sa Pax Silica bilang majority leader ng House of Representatives. Tandaan natin si Sandro Marcos ang ating majority leader at nasa Committee on Rules pa rin. Nakabinbin ang mga resolusyon ito.”
Nananawagan naman ng awa at katarungan ang mga residente para sa kinabukasan ng kanilang mga anak at pamilya. Binigyang-diin ni Mander Matias mula sa Sitio Binayayan ang matinding epekto ng banta sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
“Kawawa po yung mga bata. Walang po nag-aaral, mga naapektuhan. Wala po kaming kabuhayan. Doon lang po kami. Kaya po nananawagan po kami na tulungan po kami para hindi po matuloy ang Pax Silica na yan,” panawagan ni Matias.
Sa harap ng nakatakdang pagpupulong sa Nobyembre, kung saan inaasahang ipagpapatuloy ng administrasyong Marcos at ng Amerika ang negosasyon, nagkakaisang pinalalakas ng mga magsasaka, katutubo, at mga kinatawan mula sa Central Luzon ang kanilang panawagan sa pamahalaan at sa mga lokal na opisyal ng Tarlac na pakinggan ang boses ng mamamayang Pilipino.
###
