Matalinong pagboto, nagsisimula sa pagkilatis sa kakayahan at tungkulin ng mga kandidato
Diretsahang sinabi ni Atty. Gener Endona ng Punto! Central Luzon Newspaper na mahalagang suriin ng mga kumakandidato sa 2025 Midterm Elections kung mayroon silang sapat na kakayahan at kahandaan para sa posisyon na kanilang tinatakbuhan.

Sa programang Plataporma 2025 ng CLTV36 nitong Miyerkules, March 5, ipinaliwanag ni Endona na hindi sapat ang mabuting hangarin o malasakit sa bayan upang maging isang epektibong lider.
“Given issues na yun na dapat may malasakit ka o mabuti kang tao kapag kumandidato. Pero yung kapasidad mo naman na magagawa mo ba ito o hindi nang tama, nang maayos, na hindi ka pagtatawanan, na hindi ka mamaliitin sa mga ipinapakita mo, na hindi ka parang magiging clown doon,” ani Endona.
Bilang isang miyembro ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), binigyang-diin niya rin ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kaalaman ng mga botante tungkol sa mga responsibilidad at gampanin ng mga halal na opisyal, partikular ang mga senador.
Aniya, karamihan sa mga Pilipinong botante ang naniniwala na ang pangunahing tungkulin ng mga senador ay ang pamimigay ng ayuda o pagpapatayo ng mga imprastraktura gaya ng mga kalsada, paaralan at ospital.
Kaugnay nito, ipinaliwanag niya na ang tunay nilang mandato ay hindi ang pagpapatupad ng proyekto kundi ang paggawa ng mga batas na nagsisilbing pundasyon sa pagtatakda ng mga patakaran sa bansa.
“Ang trabaho talaga ng senador ay gumagawa ng batas ayon sa mga polisiya. Napakahalaga ng trabaho nila. So, dapat naman ang ihahalal talaga natin ay may kapasidad na gumawa ng batas. Hindi yung aasa lang sa mga abogado na mga empleyado nila para gumawa ng batas,” saad ni Atty. Endona.
Sang-ayon naman si Atty. Elmo Duque, Assistant Regional Election Director ng COMELEC-III, sa mga naging pahayag ni Endona. Aniya, mahalaga na may sapat na kaalaman ang mga nahahalal na opisyal upang epektibo nilang magampanan ang kanilang mga tungkulin.

Gayunpaman, iginiit naman niya na walang umiiral na educational requirement para sa mga kumakandidato. Batay sa 1987 Saligang Batas ng Pilipinas, partikular sa Article VI, Section 3 para sa mga mambabatas, Article VII, Section 2 para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo, ang pangunahing kwalipikasyon ay ang kakayahang bumasa at sumulat at walang binabanggit kaugnay ng kanilang educational attainment.
Ipinapakita nito na ang sistemang demokratiko ng Pilipinas ay nagbibigay ng pantay na pagkakataon sa lahat ng mamamayan na maging lingkod-bayan, anuman ang kanilang pormal na edukasyon, basta natutugunan nila ang mga pangunahing kwalipikasyon na itinakda ng Saligang Batas.