Mas pinaigting na laban kontra cyberbullying, isinusulong sa ilalim ng ‘Emman Atienza Bill’

Binabalangkas ngayon sa Senado ang mas mahigpit na laban kontra cyberbullying matapos ihain ni Sen. JV Ejercito ang “Emman Atienza Bill” o “Anti-Online Hate and Harassment Act,” sa gitna ng patuloy na pagdami ng kaso ng cyberbullying sa bansa.
Layon nitong palawakin ang proteksyon para sa mga biktima ng pang-aabuso sa internet, kasabay ng mabilis na pag-usbong ng social media.
Ipinangalan ang panukalang batas kay Emman Atienza, anak ng TV personality na si Kim Atienza, na pumanaw matapos makaranas ng mental health struggles at matinding online bullying.
Ayon kay Ejercito, bagama’t may kalayaan ang lahat sa pagpapahayag, hindi ito dapat maging dahilan para manakit ng kapwa.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang cyberlibel, online hate speech, at iba pang kahalintulad na pangha-harass. Inaatasan din ang mga digital platform na agad burahin o harangin ang abusive content, habang itinatago ang datos para sa mga posibleng imbestigasyon.
Hinihingi rin ng bill na palakasin ng mga platform ang kanilang seguridad laban sa online abuse, kabilang ang pagkuha ng trained content flaggers at mabilis na pag-ban sa violators. Target nito ang mas mahigpit at maayos na pagtugon bago pa lumala ang epekto sa mental health ng biktima.
Samantala, tutulong naman ang Department of Health at Department of Social Welfare and Development sa pagbibigay ng psychosocial support, habang sisiguruhin ng Department of Justice na may sapat na legal assistance para sa mga biktimang naghahanap ng hustisya. #
