Mas maraming Japanese Investments, target ng BCDA at CIAC para sa Clark Development
Target ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Clark International Airport Corporation (CIAC) na makahikayat ng mas maraming Japanese investments upang makalikha ng trabaho at pabilisin ang pag-unlad ng Clark bilang aviation and business center.
Ito ang pangunahing layunin ng kanilang paglahok sa BCDA–Japan Bank for International Cooperation Project Pitching, kung saan ipinresenta ang mga proyektong itinuturing nang handa para sa pamumuhunan.
Kabilang sa mga ibinida ang mga oportunidad sa imprastraktura, aviation, industrial parks, energy transition, at public-private partnerships na nakatuon sa sustainable development.
Ayon sa CIAC, mahalagang palakasin ang ugnayan sa mga Japanese company upang suportahan ang pagpapaunlad ng Clark Aviation Capital at palawakin ang aktibidad ng negosyo sa lugar.
Bukod sa mga ito, tinalakay din sa forum ang interes ng Japanese firms na may dalubhasa sa water and wastewater treatment, smart transportation, energy, agriculture, at pagbuo ng industrial parks.
Ipinresenta naman ng CIAC ang mga pangunahing proyekto sa Clark gaya ng Clark National Food Hub, Urban Renewal and Heritage Conservation Program, Clark International Aviation Campus, at Clark Pharmaceutical Hub na idinisenyo para makahikayat ng long-term investors. #
