Mas mahigpit na regulasyon sa livestock at poultry farms, ipatutupad sa Nueva Ecija
Magpapatupad ng mas mahigpit na regulasyon ang Nueva Ecija Provincial Veterinary Office (PVO) sa pagbiyahe at operasyon ng mga livestock at poultry farm upang maiwasan ang pagkalat ng sakit at masiguro ang kaligtasan ng pagkain.
Ayon kay Provincial Veterinarian Jenny Averilla, paiigtingin ang animal movement control kung saan lahat ng ililipat o ibebentang hayop ay kinakailangang may kaukulang veterinary health certificate bago payagang bumiyahe.
Kasama rin sa ipatutupad ang regular at mas madalas na inspeksyon sa mga babuyan at manukan, partikular bago at habang isinasagawa ang harvesting, upang masiguro ang tamang sanitation sa mga farm.
Palalakasin din ng PVO ang disease surveillance sa mga baboy at manok upang maagapan ang posibleng pagpasok o pagkalat ng mga sakit na maaaring makaapekto sa kalusugan ng publiko.
Obligado ang mga farm na kumuha ng farm inspection, veterinary health, at veterinary inspection certificates mula sa lokal na pamahalaan bago mag-harvest.
Makikipag-ugnayan ang PVO sa mga lokal na pamahalaan at Task Force Kalikasan para sa mas mahigpit na monitoring at agarang aksyon sa mga lalabag sa regulasyon. #
