Mabilis na tulong sa mga naapektuhan ng lindol sa Cebu, iniutos ni PBBM

Agarang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang relief at rehabilitation efforts sa Cebu matapos ang nangyaring magnitude 6.9 na lindol nitong gabi ng Martes, September 30.
Batay sa mga ulat, hindi bababa sa 20 ang nasawi, mahigit 100 ang sugatan, at marami ang napinsalang iba’t ibang istruktura kabilang ang heritage churches. Nawalan din ng kuryente sa ilang lugar sa Visayas.

Inabisuhan na raw ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang mga ahensya ng pamahalaan na gamitin ang kanilang Quick Response Funds (QRF) batay sa atas ng Pangulo.
Nagsisilbing emergency fund ang QRF para gastusan ang mabilisan na inisyatiba para sa relief at recovery upang makabangon at manumbalik sa normal ang sitwasyon ng mga komunidad na sinalanta ng kalamidad tulad ng bagyo at lindol.
Ilan sa mga tanggapan na magagamit agad ang QRF ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Office of Civil Defense (OCD) upang kaagad makapaghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng lindol. Maaari ding humiling muli ng karagdagang QRF ang mga government agencies kung nagamit na ang kalahati nito.
Nakaantabay rin daw ang National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund para sa pangangailangan ng malakihang pondo tulad ng pagsasaayos ng mga nasirang pasilidad at heritage sites, bukod pa sa mabilisan na tulong sa mga lugar na matinding tinamaan ng lindol. Batay sa datos ng DBM, nasa mahigit ₱8 billion ang NDRRM Fund as of October 1.
Samantala, itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang lakas ng pagyanig sa magnitude 6.9 mula sa naunang magnitude 6.7 kung saan naitala ang epicenter nito 21 kilometers hilagang-kanluran ng Bogo City, Cebu. Umabot na sa 379 aftershocks ang naitala matapos ang nangyaring lindol na may lakas mula magnitude 1.4 hanggang magnitude 4.8. #
