Maagang year-end bonus, ipamamahagi na sa mga pulis
Maagang matatanggap ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang year-end bonus at cash gift, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Aabot sa mahigit 227,000 na active police personnel ang makakatanggap ng bonus mula sa humigit-kumulang ₱8.7 billion na pondo.
Kasama rin sa makikinabang ang mahigit 2,800 retired police na inaasahang makakakuha ng bonus sa November 13 mula sa ₱92 million na pondo.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), katumbas ng isang buwang sahod ang year-end bonus, bukod pa sa ₱5,000 cash gift na isasabay sa unang payroll ng Nobyembre.
Ayon sa PNP, magsisilbing pagkilala ang maagang insentibo sa sakripisyo at patuloy na paglilingkod ng kapulisan sa seguridad at kaayusan ng komunidad.
Hinimok naman ng kapulisan ang kanilang mga tauhan na gamitin nang wasto ang kanilang matatanggap.
Sa ilalim ng panuntunan ng DBM, lahat ng kawani ng pamahalaan — regular man o contractual — ay may karapatang tumanggap ng year-end bonus at cash gift, basta nakapagsilbi sila ng hindi bababa sa apat na buwan ngayong taon at nasa serbisyo pa mula October 31, 2025. #
