LTO, pumreno sa panghuhuli sa mga e-bike at e-trike sa national highway

Hindi matutuloy ang plano ng Land Transportation Office (LTO) na hulihin at i-impound ang mga e-bike at e-trike na dadaan sa mga national highway na ipatutupad sana ngayong Lunes, December 1.
Ayon sa ahensya, pansamantala itong ipinagpaliban bunsod ng natanggap na malaking bilang ng reklamo sa naturang hakbang mula sa publiko.
Sa isang pahayag nitong Linggo, November 30, sinabi ni LTO Chief Markus Lacinilao na inilipat ang enforcement date ng polisiya sa ikalawang araw ng Enero ng susunod na taon upang bigyan ng isang buwang palugit ang mga gumagamit ng e-bike at e-trike.
Karagdagang panahon din umano ito para mapag-aralan at magbigay-linaw sa ipatutupad na patakaran, bukod pa sa komprehensibong information drive sa mamamayan.
Maglalabas umano ng guidelines ang LTO para maipaliwanag kung saan pwede at ipinagbabawal dumaan ang mga tinatawag na light electric vehicles o LEVs.
Simula ngayong Lunes, magtatalaga ng mga enforcer ang tanggapan sa mga pangunahing lansangan hindi para manghuli kundi para magbigay kaalaman hinggil sa maaaring gawin ng mga e-bike at e-trike.
Sa pagsapit ng January 2, maghihigpit na ang ahensya at mag-i-impound na ng mga LEVs. Paliwanag ng opisyal, hindi raw nila hangad na makaabala dahil tanging nais ng LTO na maging ligtas ang mga kalsada sa mga motorista maging ng mga gumagamit ng e-bike at e-trike.
Nauna nang idinahilan ang dumaraming aksidente sa mga national highway, na kinasasangkutan ng mga LEV, sanhi ng inilabas na polisiya ng LTO. #
