LTFRB, maghihigpit sa inspeksyon ng mga terminal bago ang Undas

Habang inaasahan ang pagdagsa ng libo-libong biyahero pauwi sa kani-kanilang probinsya para sa paggunita ng Undas, tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na handa ang mga pampublikong terminal sa buong bansa.
Inatasan na ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II ang lahat ng regional directors na magsagawa ng malawakang inspeksyon sa mga bus at transport terminals upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.
Kasama sa tinitingnang pamantayan ang kalinisan at maayos na pasilidad sa terminal, kabilang ang libreng comfort rooms, komportableng waiting areas, at maayos na sistema ng pagbili ng ticket.
Ayon kay Mendoza, sisiguruhin din ng ahensya na ligtas at nasa maayos na kondisyon ang mga bus, pati ang mga driver at konduktor na mag-aassist sa publiko.
Simula October 24, magpapakalat ang LTFRB ng mga “mystery passenger” sa buong bansa upang tiyakin na nasusunod ang mga itinakdang pamantayan.
Ani Mendoza, magiging bahagi na ito ng regular na operasyon ng ahensya, hindi lang tuwing Undas o holiday season. #
