Looking Back: CLTV36 News’ Top and Most Viral Stories of 2025
By Arlin Salonga & Raymond Tasoy, CLTV36 News

Mula sa mga isyung gumimbal sa bansa, kapahamakan at sakunang sumubok sa katatagan ng komunidad, hanggang sa success stories na muling nagpaalab ng pag-asa—sinubaybayan ng CLTV36 News ang bawat kwento na humubog sa 2025.
Narito ang mga balitang naglatag ng katotohanan, nagmulat ng isipan, at nagpatibay sa paninindigan ng bawat kabalen at karehiyon.
JANUARY
Tatlong araw matapos maiulat na nawawala, wala ng buhay nang matagpuan ang 17 years old na si Vonn Erika Raymundo. Ayon sa imbestigasyon, walang foul play sa kanyang kaso. Kabilang sa nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ang Pampanga High School na humiling sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng maling impormasyon o anumang spekulasyon.
FEBRUARY
Noong February 5, ipinasa ng Kamara sa Senado ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Noong July 2025, idineklara ng Korte Suprema na ‘unconstitutional’ ang reklamo at ipinagbawal ang paghahain ng bagong kaso sa bise presidente hanggang February 6, 2026.
MARCH
Pinagtataga hanggang mamatay ang asong si “Tiger” noong March 26 matapos umanong kumuha ng karne sa isang tindahan sa Subic Public Market. Noong Nobyembre, hinatulang guilty ang suspek na si Jocelyn Acojedo sa ilalim ng RA 10631.
Hindi inaprubahan ni Pres. Ferdinand Marcos, Jr. ang House Bill No. 10634 na naglalayong ideklara ang Pampanga bilang “Culinary Capital of the Philippines.” Bunsod umano ito ng kakulangan ng historical basis at sapat na pag-aaral, at ang posibilidad na makasakit ng damdamin ng ibang mga probinsya sa bansa.
APRIL
Pumanaw si Pope Francis noong April 21 sa edad na 88 dahil sa komplikasyon sa kalusugan. Tinawag siyang “bridge-builder” ng Kapampangan bishop na si Cardinal Virgilio David. Sa kanyang pagkamatay, pinalitan siya ni Pope Leo XIV, ang kauna-unahang American pope.
Gumamit na ng helicopter ang mga bumbero para maapula ang sunog sa Mt. Arayat sa Pampanga noong April 27. Tumugon ang firefighting operations sa La Paz-Turu side ng bundok matapos ang dalawang magkasunod na insidente ng sunog noong April 25 at 26.
Tatlong parangal ang naiuwi ng CLTV36 sa 19th ComBroadSoc Gandingan Awards ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB). Mula sa pitong nominasyon sa anim na kategorya, nasungkit ng istasyon ang Most Development-Oriented News Story, Most Development-Oriented Online Short-Form Video, at Most Development-Oriented Talk/Discussion Program.
Isang Korean national ang ninakawan at pinatay sa Friendship Highway, Angeles City noong April 20. May persons of interest na ang pulisya sa naturang krimen noong Mayo.
MAY
Matapos ang botohan para sa Midterm Elections, naihalal upang magpatuloy sa pangongobyerno sa Kapitolyo ng Pampanga ang mag-inang Gov. Lilia at Vice Gov. Delta Pineda.
Sa 22 syudad at bayan sa lalawigan, 14 na incumbent Mayors ang muling naihalal sa pwesto bilang alkalde, habang walo naman ang mga bagong mamumuno sa kani-kanilang lugar.
Ginawang drag racing area ang Jose Abad Santos Avenue sa CSFP noong May 28. Nakilala na ang isa sa mga sangkot matapos ang pagtugis ng mga enforcer.
Reklamo ng mga residente ang mabagal na rehabilitasyon ng Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga. Target itong matapos sa January 15, 2026 matapos simulan noon pang 2024.
JUNE
Isa katao ang nasawi at anim ang sugatan sa pagbangga ng overheight truck sa Marilao Bridge noong June 18. Pansamantalang sinuspinde ang paniningil ng toll sa northbound ng interchange. Ito ang ikalawang beses ng kaparehong insidente sa lugar na naganap naman noong March 19, 2025.
Opisyal nang pinalitan ang pangalan ng Don Honorio Ventura State University (DHVSU) bilang Pampanga State University, alinsunod sa Republic Act No. 12148. Isinagawa ang inauguration ceremony nito na may temang “Honoring Roots, Embracing the Future” noong June 27.
Itinanghal na Best Provincial TV Station ang CLTV36 sa 28th KBP Golden Dove Awards. Pinarangalan din ang ‘So To Speak’ bilang Best Public Service Program, at ang Agri TV Central Luzon na ginawarang Best Science and Technology Program. Naging nominado rin ang DWRW 95.1 FM, Radyo Agrisaka, at ang veteran broadcaster na si Sonia P. Soto.
Mahigit ₱1.5-B halaga ng shabu ang natagpuan ng mga mangingisda sa West Bajo de Masinloc, Zambales noong June 2. Ayon sa PDEA, konektado ito sa international crime syndicate na “Sam Gor.”
JULY
Nakatanggap ng self-demolition notice ang mga residente sa Brgy. Anunas, Angeles City noong July 31. Nakasaad sa dokumento na ang utos na 10-day ultimatum ay mula sa LGU. Tiniyak naman ng Angeles City LGU ang tulong alinsunod sa Lina Law (RA 7279).
Sa ikaapat na SONA ni PBBM, tinuligsa niya ang mga opisyal na sangkot sa ghost at palpak na flood control projects. Sa Central Luzon, kabilang ang naturang proyekto sa Candating, Arayat, Pampanga sa mga sinasabing substandard project, habang ilan naman ang idineklarang ghost project sa Bulacan.
Isinailalim sa state of calamity ang buong Pampanga noong July 24 bunsod ng hagupit ng Habagat at sunod-sunod na bagyo. Umabot sa mahigit ₱470-M ang pinsala sa agrikultura sa Pampanga dahil dito.
AUGUST
Mahigpit na binantayan ang joint commencement exercises sa Pampanga State University sa Bacolor noong August 22. Ito’y matapos maantala dahil sa umano’y bomb threat noong August 14. Sa parehong araw, tiniyak ng Pampanga PPO na ligtas at walang anumang pampasabog na natagpuan sa loob ng unibersidad.
Naaresto si San Simon Mayor JP Punsalan noong August 5 dahil sa umano’y pangingikil sa ReelSteal Corp.. Pinalaya siya noong September 2 matapos paboran ng RTC Branch 206 ang kanyang petition for habeas corpus.
Lima katao ang nasawi sa road crash sa CLLEX La Paz noong August 12. Inaresto ang driver ng nasangkot na van na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga.
SEPTEMBER
Personal na ininspeksyon nina DPWH Sec. Vince Dizon at noo’y Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chief Adviser & Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang Candating Flood Control Project sa Arayat, Pampanga noong September 23. Kontrobersyal ang naturang istruktura makaraang makailang ulit na nasira na sinundan ng sunod-sunod na pagpopondo para sa pagkukumpuni.
Patuloy ang reklamo ng mga motorista sa lubak na bahagi ng MacArthur Highway sa Apalit. Isa ito sa mga kalsadang pinangakuang aayusin gamit ang emergency funds.
Sa higit 90 contractors sa Pampanga, 10 rito ang nakakuha ng pinakamatataas na cost ng flood control projects. Kabilang dito ang Sto. Cristo Construction & Trading Inc., Three-In-One Construction & Trading, Ferdstar Builders Inc., Eddmari Construction & Trading, A.D. Gonzales Jr. Construction & Trading Co. Inc., 11-16 Construction, Tonka Construction, Northern Builders, P.V.B. Construction and Development Corp., at Radians Builders and Supply Corporation.
Ikinasa ng grupong Concerned Citizens of Pampanga ang isang kilos-protesta kontra katiwalian noong September 18. Isa ito sa ilan pang pagtitipon at protesta na binuo ng iba’t ibang sektor.
OCTOBER
Limang paaralan sa Pampanga ang sabay-sabay na nakatanggap ng bomb threat noong October 6, bukod pa ito sa ilan pang napabalitang may banta rin ng pampasabog. Lahat ay idineklarang cleared at dalawang suspek ang naaresto dahil sa pagpapakalat nito.
Idineklara ng Comelec na unqualified si Mayor Susan Yap noong October 22. Dahil dito, iprinoklama ng DILG bilang alkalde si Vice Mayor KT Angeles. Gayunman, nanatili sa pwesto si Yap hanggang sa ngayon matapos maglabas ng status quo ante order ang Korte Suprema.
Isang bahay ang hinagisan ng granada ng riding-in-tandem sa Savannah Subdivision sa Barangay Cuayan, Angeles City noong October 24. Nilinaw naman ng pulisya na walang kinalaman ang insidente sa mga naunang bomb scare sa lungsod.
Nasungkit ng kabalen beauty na si Emma Tiglao ang back-to-back Miss Grand International crown noong October 18. Dinagsa ang kanyang grand homecoming sa Mabalacat City noong November 25.
Oktubre nang mag-viral sa social media ang song covers ng Kapampangan actor na si Aljur Abrenica. Umani ang mga ito ng samu’t saring reaksyon dahil sa kanyang unique style ng pag-awit.
NOVEMBER
Sa unang pagkakataon, isang graduate mula Pampanga State University ang nakakuha ng top spot sa Certified Public Accountant Licensure Examination.
Talagang hinangaan si Mike Ronnel Diwa Castro na nagpatunay na sa dasal at determinasyon, kayang abutin kahit ang pinakamataas na pangarap.
Sinuspinde ng CSFP LGU ang permit ng PrimeWater noong November 17 dahil sa reklamo ng publiko. Dahil dito, naibalik ang operasyon sa water district ng Syudad. Nanawagan naman si Mayor Vilma Caluag sa bagong may-ari ng PrimeWater na putulin na ang kanilang Joint Venture Agreement (JVA).
Napatay sa pananambang ang kapitan ng Brgy. Balibago, Masantol na si Jinqui Quiambao noong November 25. Nag-alok ang LGU ng ₱100,000 pabuya para sa impormasyon sa mga suspek. Si Quiambao ang pang-anim sa mga kapitan sa Pampanga na pinatay simula noong 2022.
Itinigil ng nasa 40 quarry operators sa Porac ang operasyon dahil sa umano’y double taxation. Nagbalik-normal ang kanilang operasyon noong December 5.
DECEMBER
Nilusob ng PNP-CIDG ang bahay ni Tarlac 3rd District Rep. Noel Rivera noong December 5 kaugnay ng search warrant para sa mga hawak niyang armas. Isinuko niya ang mga lisensyadong baril at hindi siya inaresto.
Disyembre nang ianunsyo ng Department of Agriculture na halos 1-million Filipinos na ang umano’y nakinabang sa “Benteng Bigas Meron Na” Program ng Pamahalaan mula nang ilunsad ito noong Mayo. Kabilang sa mga nakinabang dito ang mga empleyado at workers sa Clark Freeport Zone. Target ng ahensya na umabot sa 15-milyong kabahayan ang makinabang sa programa sa taong 2026.
Mula sa pagiging 2nd runner up noong 2024, nasungkit na ng Brgy. Bulaon ang kauna-unahan nilang championship title sa Giant Lantern Festival 2025. Naiuwi nila ang cash prize na ₱300,000.
Pumang-anim ang Pilipinas sa 2025 SEA Games sa Thailand, kung saan kabilang ang ilang kabalen sa mga nag-ambag ng medalya. Gaya ng swimmer na si Kayla Sanchez na nagbigay ng kabuuang 8 medalya, gayundin sina Justin Macario, Gian Santos, Katrina Guytingco, Jamie Malonzo, Nigel Paule, Francis Veejay Pre, at Sanford Vinuya.
##
