Libreng toll, ipatutupad ng NLEX Corp. habang inaayos ang Marilao Bridge
Magpapatupad ng pansamantalang toll relief ang Department of Transportation (DOTr) at ang North Luzon Expressway (NLEX) Corporation simula ngayong Lunes, March 24, bilang tugon sa abalang dulot sa mga motorista ng ginagawang pagsasaayos ng Marilao Bridge.
Epektibo simula alas-12 ng tanghali, layunin ng hakbang na ito na maibsan ang bigat ng daloy ng trapiko at mapagaan ang gastusin ng mga apektadong motoristang dumaraan sa northbound segment ng NLEX mula Balintawak hanggang Meycauayan.

Sa isang pahayag, pinasalamatan ni Pampanga Chamber of Commerce and Industry, Inc. (PamCham) Chairman Rene G. Romero si DOTr Secretary Vince Dizon sa kanyang maagap na aksyon upang matugunan ang problema sa daloy ng trapiko. Aniya, ang mabilis na koordinasyon ng kalihim sa pamunuan ng NLEX Corp. ay nagpapakita ng kanyang malasakit at pang-unawa sa pangangailangan ng mga motorista at pasahero.
Kinilala rin ng PamCham ang pamunuan ng NLEX sa kanilang pagpapakita ng corporate responsibility sa pamamagitan ng agarang tugon sa panawagan ng DOTr. Ayon kay Romero, ang hakbang na ito ay isang halimbawa ng maayos na ugnayan sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor para sa kapakanan ng nakararami.
Habang epektibo ang toll relief, hinimok din ang PamCham ang NLEX Corp. na gawin ang lahat ng makakaya upang matapos ang pagkukumpuni ng nasirang tulay bago ang Mahal na Araw. Anila, napakahalaga nito upang mapadali ang pagbiyahe ng libu-libong Pilipino na pauwi sa kanilang mga probinsya upang gunitain ang Semana Santa kasama ang kanilang pamilya.
Samantala, humihingi naman ang PamCham ng pang-unawa at suporta mula sa mga motorista at mananakay habang isinasagawa ang pagsasaayos ng Marilao Bridge. #