Lea Salonga, kauna-unahang Pinay na ginawaran ng bituin sa Hollywood Walk of Fame
History-maker na maituturing ang Broadway icon na si Lea Salonga matapos gawaran ng Star sa Hollywood Walk of Fame. Siya ang kauna-unahang Pilipino na nakatanggap ng nasabing parangal.

Kabilang si Lea sa Class of 2026 honorees sa ilalim ng live theatre/live performance category na kumikilala sa kanyang talento at hindi matatawarang ambag sa teatro at musika.
Sa kanyang deka-dekadang karera, ilang ulit na ring inukit ni Lea ang kanyang pangalan sa kasaysayan. Siya ang first ever Asian actress na nagwagi ng Tony Award noong 1991 para sa kanyang pagganap bilang Kim sa Broadway production ng Miss Saigon. Kasunod ito ng kanyang win sa 1990 Olivier Awards para sa parehong role.
Bukod sa iconic stage performances, nakilala rin si Lea bilang singing voice ng Disney princesses na sina Jasmine at Mulan.


Sa pagtanggap ng panibagong parangal sa Hollywood Walk of Fame, inalay ni Lea ang kanyang tagumpay sa pamilya, mga direktor, composer at lyricist, crew, fans, at iba pa na nagtiwala at sumuporta sa kanyang journey.
“And some of you have stayed with me through all of it. Thank you. I hope that someday, a young Filipino kid comes to Hollywood, sees my name and thinks ‘Oh, Maybe I can get here, too,” aniya sa kanyang speech. #
