Landfill inspection sa Central Luzon, paiigtingin ng DENR-EMB Region 3

Kasunod ng trahedyang naganap sa isang sanitary landfill sa Cebu, ipinag-utos ng Department of Environment and Natural Resource – Environmental Management Bureau (DENR-EMB) Region 3 ang mas pinaigting na inspeksyon at reassessment ng lahat ng sanitary landfill sa Central Luzon upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Ayon kay DENR-EMB Regional Director Martin Despi, isinasagawa ang regular na inspeksyon sa mga landfill nang hindi bababa sa dalawang beses kada taon. Ngunit maaari aniya itong dagdagan depende sa kalagayan at antas ng panganib sa pasilidad.
Dagdag pa ni Despi, bilang pagsunod sa direktiba ng kalihim ng DENR matapos ang insidente sa Cebu, bumuo ang ahensya ng isang inter-agency team na kanyang pamumunuan upang magsagawa ng masusing pagsusuri sa mga sanitary landfill sa rehiyon.
Sa Pampanga, mayroong apat na sanitary landfill, at ayon sa DENR-EMB, nasa ikalawang distrito ng lalawigan ang mga ito. Isa sa mga pasilidad ay matatagpuan sa Barangay Planas, Porac, na pinatatakbo ng Prime Waste Solutions—ang parehong kumpanyang sangkot sa trahedya sa Cebu.
Nilinaw ng DENR-EMB Region 3 na ang isasagawang assessment ay tututok sa katatagan ng istruktura, waste management practices, drainage at leachate systems, at pagsunod sa environmental at safety standards, lalo na sa mga landfill na malapit sa mga komunidad.
Binigyang-diin ng ahensya na mahalaga ang maagang inspeksyon at mahigpit na koordinasyon ng mga ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang anumang banta sa buhay at kalikasan. #
