Lalaking nagpanggap na survivor sa gumuhong gusali, inaresto matapos mang-scam ng ayuda
ANGELES CITY — Inaresto ng Angeles City Police Office (ACPO) ang isang lalaki matapos itong mag-imbento ng kwento sa social media na siya ay nakaligtas sa naganap na pagguho ng isang under construction building sa Brgy. Balibago.

Ayon sa imbestigasyon, nagawa pa ng suspek na makakuha ng pinansyal na tulong o ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong nakaraang Miyerkules, May 27.
Nahuli ang modus ng lalaki nang magtangka pa umano itong humingi ng karagdagang tulong, na nagtulak sa mga otoridad na i-verify ang kanyang pagkakakilanlan.
Lumabas sa pagsisiyasat na hindi siya residente ng lungsod at walang koneksyon sa mga biktima. Kalaunan, umamin din lalaki sa kanyang modus at sinabing gawa-gawa lamang niya ang buong kwento para pagkakitaan ang trahedya.

Mariin namang kinundena ni Mayor Jon Lazatin ang panlolokong ito at binigyang-diin na empathy at katapatan ang kailangan ng Syudad ngayon, at hindi pagsasamantala.
Kasalukuyan nang nasa kulungan ang suspek habang inihahanda ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa kanya. #
