Korean Language Training Center sa Mabalacat City, ipinasara ng DMW sa umano’y illegal recruitment
Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang Korean Language Training Center sa Barangay Dau, Mabalacat City, Pampanga matapos matuklasang sangkot umano ito sa ilegal na recruitment at panloloko sa mga aplikanteng nais magtrabaho sa South Korea.
Pinangunahan ang operasyon nina DMW Assistant Secretary Jerome Alcantara at Migrant Workers Protection Bureau Director Romelson Abbang sa pakikipagtulungan ng Mabalacat City Police Office nitong March 12.
Ipinasara ang ’Trabaho Sa Korea Language Center Inc.’ o TSKLC matapos mapatunayang nag-aalok umano sila ng trabaho sa South Korea sa pamamagitan ng work-and-study program kahit walang lisensya bilang recruitment agency.
Ayon sa DMW, ang training center ay may dalawang paraan sa pagre-recruit—una ay sa pamamagitan ng Employment Permit System (EPS) bilang factory worker at pangalawa sa tinatawag na student pathway option.
Sa ilalim ng EPS, hinihikayat umano ang mga aplikante na mag-enroll sa Korean language training na nagkakahalaga ng ₱8,500 sa loob ng isang buwan. Matapos ang pagsasanay ay kailangan umanong sumailalim sa pagsusulit na sinasabing kaugnay ng proseso ng DMW. Kapag pumasa umano ang aplikante ay saka pa lamang ito ire-refer sa magiging employer.
Hinihingan din umano ang mga aplikante ng ₱20,000 hanggang ₱30,000 para sa mga gastusin tulad ng visa application, airline ticket, medical examination, at membership sa OWWA at Pag-IBIG.
Samantala, sa tinatawag na student pathway, na pinakamadali umanong paraan para makaalis papuntang South Korea, pinapayuhan ang mga aplikante na sabay na mag-aral at magtrabaho. Hinihingan umano ang mga aplikante ng ₱100,000 para sa student application at karagdagang ₱80,000 bilang agency fee.
Nangako rin umano ang TSKLC ng mga trabaho bilang housekeeper at caregiver sa South Korea na may sahod na ₱80,000 hanggang ₱100,000 kada buwan, kapalit ng bayaring umaabot sa ₱150,000—panlilinlang umano gamit ang DMW government-to-government hiring program.
Bunsod nito, naglabas ang DMW ng Closure Order No. 4, Series of 2026 laban sa establisimyento. Irerekomenda rin ng ahensya na isama sa list of persons and entities with derogatory record ang mga opisyal ng TSKLC at ipawalang-bisa ang business registration nito sa Department of Trade and Industry.
Kaugnay nito, nanawagan ang DMW sa mga posibleng nabiktima na makipag-ugnayan sa Migrant Workers Protection Bureau upang mabigyan ng libreng tulong legal.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko na maging maingat sa mga alok na trabaho sa ibang bansa at makipagtransaksiyon lamang sa mga lisensyadong recruitment agency. #
