Kauna-unahang dialysis center sa Minalin, handa na para sa mga pasyente
Nagkaroon na ng sariling dialysis center ang Minalin, Pampanga matapos opisyal na buksan ang bago at kauna-unahang pasalidad sa Barangay Sta. Catalina nitong Huwebes, January 29.
Nanguna sa blessing at inagurasyon ng pasilidad ang ilang lokal na opisyal ng Pampanga, kasama si Senator Lito Lapid.
Nasa tinatayang ₱10 million ang inilaan para sa pagpapatayo ng dialysis center. Nakabili rin ang munisipyo ng 12 dialysis machines at iba pang kagamitan sa pamamagitan ng isang Public-Private partnership katuwang ang Marina Margarita Health Center, Inc..
Sa kasalukuyan, may 15 pasyente na ang sumasailalim sa dialysis sa bagong facility, habang nagpapatuloy ang profiling at transfer ng 46 pang pasyente mula sa ibang pasilidad.
Ayon sa mga opisyal, inaasahang mas marami pang residente ng Minalin ang makikinabang sa dialysis center sa mga susunod na buwan, kasabay ng patuloy na pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa bayan. #
