Karl Eldrew Yulo, double podium finish sa Junior World Championships

Dalawang bronze medal ang hatid para sa Pilipinas ng kapatid ni 2-time Olympic gold medalist Carlos Yulo na si Karl Eldrew Yulo sa katatapos lamang na 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships.
Sa huling event ng naturang torneo nitong Lunes, November 24, nasungkit ni Yulo ang ikatlong pwesto sa horizontal bar final matapos siyang makapagkala ng kabuuang 14 points.
Naungusan siya nina Camilo Vera ng Colombia para sa unang pwesto na nakakuha ng 14.533 points, habang pumangalawa si Danila Leykin ng Amerika na may 14.233 points.
Bago ito, bronze medal din ang nasungkit ng Pinoy gymnast sa floor exercise nitong Linggo, November 23.

Bagama’t binawasan ang difficulty ng kaniyang routine dahil sa iniindang injury sa kaniyang bukong-bukong isang araw bago ang kompetisyon, nagawa pa ring makapagkala ni Yulo ng 13.733 points at nakuha ang unang medalya ng Pilipinas sa kompetisyon.
Nalampasan man siya nina Langbin Yang ng China at Simone Speranza ng Italy sa huling bahagi ng finals, nanatili siya sa Top 3. Ito ay makaraang ma-deduct at bumagsak sa ranking si all-around champion Arsenii Dukhno dahil sa penalty at hindi maayos na landing.
Samantala, hindi man siya nabigyan ng pwesto sa podium sa vault finals, naipakita pa rin ni Yulo ang matatag na performance, bukod pa sa kaniyang 8th place finish sa individual all-around finals.
Ayon kay Yulo, halo-halo ang emosyon na kaniyang naramdaman lalo’t patuloy ang kirot ng kaniyang injury. Gayunman, ipinagmalaki niyang lumaban siya nang buong tapang at naitaas ang bandila ng Pilipinas. #
