Kampo ng may-ari ng gumuhong gusali sa Angeles City, iginiit ang ‘due process’ sa ₱11-M DOLE order

Iginiit ni Atty. Willie Rivera, legal counsel ng may-ari ng gumuhong gusali sa Brgy. Balibago, Angeles City, na dapat munang dumaan sa due process ang ipinataw ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mahigit ₱11-million na bayarin.
Ayon kay Rivera, alanganing sitwasyon ang nangyari dahil nauna pang lumabas sa publiko ang impormasyon tungkol sa naturang DOLE order bago nila matanggap ang opisyal na kopya nito.
Sinabi rin ng abogado na wala pa umanong hearing na naisagawa kaya hindi pa nabibigyan ng sapat na pagkakataon ang kanilang panig na makasagot.
Hindi rin aniya nila mabatid kung paano na-compute ang mahigit ₱11-million na ipinababayad sa kanyang kliyente.
Giit ng kampo ng building owner, handa silang humarap sa proseso ngunit kailangang malinaw ang basehan ng kautusan, mga ebidensya, at ang eksaktong pananagutan na iniuugnay sa kanilang panig.
May kaugnayan ang DOLE order sa umano’y labor liabilities at safety violations matapos ang pagguho ng under-construction building sa Brgy. Balibago na ikinasawi ng 30 indibidwal. #
