Kalidad ng tulong para sa evacuees, dapat isaalang-alang: DOH
Kasabay ng patuloy na pag-ulan at paglikas ng maraming pamilya sa mga evacuation center, muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) hinggil sa kahalagahan ng ligtas at malinis na donasyon para sa evacuees.

Ayon sa DOH, mahalagang tiyakin na ang mga ipinamamahaging inuming tubig ay selyado at hindi nagalaw, ang mga pagkain ay hindi expired at walang butas o yupi, at ang hygiene products ay bago at maayos ang lagayan. Pinaalalahanan din ang publiko na ang mga damit na ido-donate ay dapat malinis, tuyo, at hindi sira.
Binigyang-diin ng ahensya na hindi lamang dami kundi ang kalidad ng ibibigay na tulong ang dapat isaalang-alang upang mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng mga nasa evacuation centers. #
