Kabalen swimmer na si Kayla Sanchez, binasag ang sariling PH record
By Vin Dela Peña, CLTV36 News
Nagtala ng panibagong Philippine record ang national athlete at Kapampangan swimmer na si Kayla Sanchez, sa women’s 50-meter backstroke sa 2026 Asian Games sa Japan nitong Lunes, September 21.
Dalawang beses niyang binasag ang sarili niyang national record na 28.47 seconds nitong nakaraang taon sa Southeast Asian Games, matapos magtala ng 28.24 seconds sa heats at 28.19 seconds naman sa finals.

Sa kabila nito, hindi ito naging sapat upang makapag-podium si Sanchez, na nagtapos sa ikalimang puwesto.
Bago maging kinatawan para sa Pilipinas, naging Olympic medalist si Sanchez bilang bahagi ng Canadian swimming team sa 2020 Tokyo Olympics.
Noong 2023, inaprubahan ng World Aquatics ang pagbabago ng kanyang sport nationality mula Canada patungong Pilipinas.

Bahagi ng Filipino roots ni Sanchez ang Pampanga, dahil tubong Mabalacat City ang kanyang ama.
Mula noong 2023, Pilipinas na ang kanyang inirerepresenta sa international competitions, kabilang ang 2024 Paris Olympics at ngayong 2026 Asian Games. #
