July 2025 unemployment rate, pumalo sa 5.3%: PSA Labor Force Survey
By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Sa gitna ng mga usapin ng katiwalian at kawalan ng oportunidad, muling umigting ang hamon sa trabaho para sa maraming Pilipino.
Ayon sa pinakabagong datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 5.3% ang unemployment rate ng bansa nitong Hulyo 2025.
Mas mataas ito kumpara sa 4.7% noong Hulyo 2024 at 4.1% nitong Abril 2025, katumbas ng humigit-kumulang 2.59 milyong Pilipinong walang trabaho ngayong taon.
Bukod dito, bumagsak din ang labor force participation rate sa 60.7% o katumbas ng 48.64 milyong Pilipino edad 15 pataas na kabilang sa lakas-paggawa. Mas mababa ito kaysa sa 63.5% o 50.06 milyon noong Hulyo 2024.
Ayon sa PSA, ito na ang pinakamababang tala mula pa noong Abril 2020, kasagsagan ng pandemya.
Samantala, bumaba rin ang employment rate sa 94.7% o katumbas ng 46.05 milyong indibidwal, kumpara sa 47.84 milyon noong Hulyo 2024 at 48.67 milyon nitong Abril 2025.
Pinakamalaking pagbaba ang naitala sa mga sektor ng agriculture, fisheries, construction, at wholesale and retail trade, habang bahagyang tumaas ang trabaho sa manufacturing.
Ipinaliwanag ni Usec. Claire Dennis Mapa, National Statistician at Civil Registrar General ng PSA, na malaking salik ang apat na bagyong tumama sa bansa noong Hulyo na nakaapekto sa mga sektor na sensitibo sa lagay ng panahon.
Sa kabila ng pagtaas ng unemployment, inaasahan ng PSA na muling tataas ang bilang ng mga may trabaho sa 4th quarter ng taon dahil sa pagdami ng seasonal jobs ngayong holiday season.
Sa kabuuan, malinaw na nananatiling hamon ang kawalan ng trabaho at pagbaba ng labor force participation rate. Gayunpaman, naniniwala ang PSA na makababalik sa mas mataas na antas ang employment figures bago matapos ang taon. #
