Japanese fugitive, arestado sa Angeles City
By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese fugitive sa Balibago, Angeles City.
Sa statement na inilabas ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, kinilala ang lalaki bilang si Tsukita Yuhei, 28 years old.
Inaresto ng BI Fugitive Search Unit (BI-FSU) si Yuhei nitong Lunes, January 20 sa bisa ng mission order na inilabas ng Japan na nag-ulat sa presensya ng nasabing pugante sa bansa.
Ayon sa hepe ng BI-FSU na si Rendel Sy, ang warrant of arrest na ginamit sa pagkaaresto ni Yuhei ay nagmula sa Tokyo summary court noong October 27, 2022 matapos itong makasuhan ng pagnanakaw na labag sa Article 235 ng penal code ng Japan.
Nagpapanggap umano bilang law enforcer si Yuhei kasama ang kanyang mga kasabwat upang maloko ang kanilang mga biktima na i-surrender ang kanilang cards para sa police investigation.
Nasa walong piraso ng ATM cards at nasa mahigit 724,000 yen o 4,600 USD na halaga ng pera ang nakuha ng mga suspek mula sa mga ninakaw na ATM cards, ayon sa Japanese authorities.
Napag-alaman na dumating si Yuhei sa Pilipinas noong March 16, 2019 at hindi na umalis mula noon, base sa kanyang travel records.
Kasalukuyang naka-detain ang suspek sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportation. Masasama rin sa blacklist ang pugante at hindi na pahihintulutang makapasok sa bansa.