Investors, mananatili sa Clark sa kabila ng 19% US tariff—CDC
Matapos ipataw ni US President Donald Trump ang 19% na taripa sa mga produktong papasok sa Amerika mula sa Pilipinas, wala namang investor sa Clark Freeport and Special Economic Zone ang nag-pullout.

Ito ang inihayag ni Atty. Agnes VST Devanadera, president at CEO ng Clark Development Corporation (CDC), sa ginanap na Philippine Economic Briefing ngayong Lunes, September 22.
Ayon kay Devanadera, bagama’t umasa ang Clark locators sa mas mababang buwis na kailangang bayaran para mag-angkat ng produkto mula sa Pilipinas, napaghandaan naman aniya nila ito.
“Transferring or going to another country was not an option as nobody can predict the next decision of President Trump,” paliwanag pa ni Devanadera.
Samantala, may iba’t ibang konsiderasyon naman umano ang mga investor na ngayon pa lamang mamumuhunan sa Clark o maging sa ibang bahagi ng bansa.
“There were looking at more things like the ease of doing business, the cost of doing business because they were also not certain whether that 19% of President Trump will not change next month,” dagdag pa ng opisyal.
Ani Devanadera, nasa “wait and see” mode ang mga negosyante ngayon sa Clark hanggang matapos ang ikatlong bahagi ng 2025.
Tiniyak din ng pinuno ng state-run firm na magpapatuloy ang expansion project ng mga malalaking locator sa Clark dahil na rin sa strategic location nito.
As of June 2025, 1,213 ang bilang ng mga locator sa nasabing freeport zone. #
