Impounded vehicles sa Angeles City, isasailalim sa public auction matapos ang 90 days
By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Naglabas na ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ang Angeles City LGU para sa pamamahala at maayos na disposal ng mga impounded vehicle sa lungsod.
Nakasaad sa Executive Order No. 14, Series of 2025, na nilagdaan ni Mayor Jon Lazatin nitong September 3, na ang mga sasakyan na hindi mare-redeem sa loob ng 90 araw mula sa pagkaka-impound ay ituturing na unclaimed at isasailalim sa public auction.
Layunin nitong maresolba ang matagal nang problema sa overcrowding ng impounding facilities, kung saan ang ilang sasakyan ay naiwan o hindi na muling kinuha nang higit isang dekada.
Batay sa IRR, kinakailangang ipaskil ang impormasyon para sa gagawing auction sa isang lokal na pahayagan, sa official website ng Angeles City LGU, at sa public bulletin board upang pormal na maabisuhan ang publiko.
Pangungunahan naman ng City General Services Office ang ocular inspection at pagtatakda ng minimum reserve price para sa mga motor at sasakyan, gayundin ang registration para sa mga lalahok sa bidding. Ito ay upang masiguro na ang proseso ay nakaayon sa regulasyon ng Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA), base sa Ordinance No. 609-S-2021, Section 72.
Ang highest bidder sa auction ang idedeklarang panalo at bibigyan ng 24 oras upang bayaran ang buong bid amount. Kapag hindi nakabayad, mapupunta ang motor o sasakyan sa susunod na highest bidder.
Ang pondong malilikom mula sa auction ay itatala at pangangasiwaan nang naaayon sa panuntunan ng Commission on Audit. #
