Ilegal na calamansi juice factory sa CSFP, ipinasara
Sa anumang uri ng negosyo, lalo na yung mga may kinalaman sa pagkain at inumin, mahalagang may kaukulang permit at mahigpit na pagsunod sa food safety regulations upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at makaiwas sa mga kasong legal.
Sa City of San Fernando, ipinasara ng mga otoridad ang isang calamansi juice manufacturing site dahil sa umano’y operasyon nang walang kaukulang permit at distribusyon ng hindi rehistradong produkto.

Isinagawa ang inspeksyon sa Barangay Baliti nitong Lunes, May 18, sa pangunguna ng Inter-Agency Lawful Business Operations Coordination Task Force matapos makatanggap ng impormasyon mula sa FDA kaugnay sa umano’y paglabag ng kumpanya.
Dahil dito, agad na pinatawan ng closure order ang establisyimento matapos madiskubre na wala itong valid business permit.



Kasabay nito, nagsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang FDA hinggil sa napaulat na paglabag sa mga panuntunan sa food registration at kaligtasan ng produkto.
Ayon sa mga otoridad, mahalagang nasusunod ang mga requirement sa permits at food safety upang maprotektahan ang mga mamimili.

Binigyang-diin ng mga kinauukulan na magpapatuloy ang kanilang monitoring at enforcement operations laban sa mga negosyong hindi sumusunod sa legal at sanitary requirements sa Syudad.
Hinimok naman ang publiko na i-report ang mga kahina-hinala o ilegal na operasyon ng negosyo sa lungsod. #
