Ilang SUCs sa Central Luzon, nanguna sa March 2025 LEPT
Dalawang alumni mula sa dalawang pamantasan sa Central Luzon ang pasok sa Top 10 ng March 2025 Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT)-Elementary level.
Nakuha ni Lorrea Ellaine Mercado Alcantara ng Bulacan State University-Malolos ang Rank 5 matapos makakuha ng 93.60% rating. Habang Rank 10 naman si Chastene Mamucod Parazo ng Tarlac State University (Tarlac College of Technology) na may 92.60% rating.


Samantala, kabilang naman sa top schools para sa secondary level ang Tarlac State University (Tarlac College of Technology) na nasa Rank 4. Nakapagtala sila ng 81.32% rating na may 300 o higit pang examinees at may at least 80% passing rate.
Rank 6 naman ang Bataan Peninsula State University-Balanga na may 91.89% rating para sa may 100 hanggang 299 examinees at at least 90% passing percentage.
Pasok din sa top performing schools ang Limay Polytechnic College na nasa Rank 3 na may 96.08%, at ang Eduardo L. Joson Memorial College sa Rank 7 na may 92.42% para sa mga may 50 hanggang 99 examinees at at least 90% passing rate.

Sa kabuuan, nasa 16,282 o 46.77% out of 34,810 examinees ang pumasa sa elementary level, habang 38,747 o 62.27% out of 62,225 examinees sa secondary level.
Ayon sa PRC, nasa 55,029 o 56.71% ng 97,035 ang mga newly licensed teachers na pumasa sa pagsusulit na isinagawa noong March 23, 2025. #
