Ilang item sa budget ng Office of the Vice Mayor sa Magalang, na-veto ni Mayor Lacson dahil sa umano’y ‘repetition’
Ilang item sa panukalang budget ng Office of the Vice Mayor sa Magalang, Pampanga ang na-veto ni Mayor Malu Paras-Lacson, kaugnay ng ₱619 million na kabuuang pondo ng lokal na pamahalaan para sa taong 2026.
Sa kanyang veto message, ipinaliwanag ng alkalde na may mga item umano sa budget ng opisina ni VM Eller Pecson na maituturing na ‘repetition’ lamang ng mga nakapaloob na sa budget ng Sangguniang Bayan.
Binigyang-diin din ni Lacson na kung ihahambing sa mga nakalipas na taon, malaki ang itinaas ng pondo ng Office of the Vice Mayor—mula sa dating humigit-kumulang ₱3 million ay umakyat ito ngayon sa mahigit ₱11 million.
Dagdag pa ng alkalde, may ilang item din umano na ang mismong implementasyon ay nasa mandato na ng Local Chief Executive, kabilang ang maintenance ng gusali at operasyon nito.
Samantala, pinuna naman ni Coun. Koko Gonzales ang naturang veto. Ayon sa kanya, may mga nakikita siyang posibleng iregularidad at mga usaping legal na aniya’y “questionable” at tinawag pa itong “unconstitutional.”
Sa panayam ng CLTV36 News, iginiit ni Mayor Lacson na walang partikular o special item na sadyang tinanggal sa panukalang ipinasa ng konseho, kundi mga bahagi lamang na aniya’y kinakailangang i-review batay sa umiiral na alituntunin sa pagbu-budget.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim ng review ng Sangguniang Panlalawigan ng Pampanga ang usapin upang mabusisi ang legalidad at pagiging angkop ng mga vetoed item sa 2026 budget ng Magalang LGU. #
