Ilang budget provision noong 2024, 2025, at 2026, labag sa konstitusyon: Supreme Court
Idineklara ng Korte Suprema na ‘unconstitutional’ ang ilang probisyon ng pambansang budget para sa mga taong 2024, 2025 at 2026, kabilang ang pagtaas ng unprogrammed appropriations at ilang pagbabago sa alokasyon ng pondo.
Sa 2024 General Appropriations Act (GAA), kinuwestiyon ng korte ang pagdaragdag ng Kongreso ng ₱449.5 billion sa unprogrammed appropriations, na nagpalobo sa kabuuang pondong inirekomenda ng Pangulo.
Idineklara ring labag sa Konstitusyon ang pagtaas ng Kongreso sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umabot sa ₱17.99 billion para sa 2025 GAA, pati na ang ilang special provision sa 2026 budget.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na kailangang manatiling limitado at naaayon sa national fiscal program ang unprogrammed appropriations, na nakalaan lamang sa mga gastusing nakatutugon sa itinakdang kondisyon.
Dapat malinaw rin daw ang pagkakaiba ng mga kondisyon sa paggamit ng bagong kita at karagdagang non-tax revenue ng pamahalaan para sa programmed at unprogrammed expenditures.
Bukod dito, pinuna rin ng korte ang kawalan umano ng mga record ng talakayan ng bicameral conference committee at ang hindi pagpapaliwanag sa mga pagbabago sa budget items. Wala rin daw mga dokumentong sumusuporta sa mga pagbabagong ito, na lumabag sa mga tuntunin ng Kamara at Senado.
Dahil dito, pinaalalahanan ng Supreme Court ang komite na pairalin ang transparency at accountability sa proseso ng pagbuo ng national budget.
Si Senior Associate Justice Marvic Leonen ang sumulat ng desisyon matapos ang anim na oral argument ngayong taon kaugnay ng apat na pinagsama-samang petisyon mula sa mga kasalukuyan at dating mambabatas at mga grupo ng civil society. #
