‘I-Report mo kay LTO chief’ online complaint platform, bukas na sa publiko
Inilunsad na ng Land Transportation Office (LTO) nitong Lunes, April 27, ang bagong online complaint platform na ‘I-Report mo kay LTO chief.‘

Sa ilalim nito, magkakaroon na ng direktang linya ang publiko kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao para sa kanilang mga reklamo at mungkahi. Maaaring gamitin ang naturang system para i-report ang reckless drivers o mga motoristang nagpapakita ng agresibong pagmamaneho at mapanganib na kilos sa kalsada, mga colorum na sasakyan, at maging ang mga tiwaling kawani ng ahensya.
Bukod sa reklamo, maaari ring magpadala ng papuri para sa mga tapat na kawani o di kaya naman ay suhestyon para mapabuti ang serbisyo ng ahensya.
Para maipaabot ang concerns, bisitahin lang ang website na ireportmokayltochief.ph o tumawag sa kanilang 24/7 hotline na 1342-586. Maaari ring mag-chat sa official Facebook page ng programa.
Kaugnay niyan, nakipagtulungan din ang LTO sa mga digital advocacy groups upang mas mapabilis ang pagkalap ng impormasyon mula sa social media. I-eendorso nila ito ng direkta sa LTO para sa mas mabilis na aksyon. Ang viral videos ng traffic violations ay agad umanong ipoproseso upang mapadalhan ng show cause orders ang mga nagkasala.
Sa hakbang na ito, inaasahan daw ng LTO na mapapanatili ang disiplina sa kalsada at masisiguro ang integridad ng kanilang mga serbisyo sa tulong ng teknolohiya at ng mamamayan. #
