Homeowners, walang technical expertise sa sanitation compliance: Angeles LGU; pinaalalahanan sa pagbibigay ng business clearance
Nagpaalala ang Angeles City Government Sanitation Division sa mga homeowners association na maging maingat sa pagbibigay ng clearance sa mga negosyong nag-o-operate sa loob ng residential areas, lalo na kung may kinalaman ito sa sanitation at environmental compliance.
Lumabas sa imbestigasyon ng sanitation team at ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na may ibinigay na clearance ang homeowners ng Villa Dolores Subdivision sa Jojen Food Manufacturing, isang noodles factory na matagal na ang operasyon sa lugar.
Natuklasan na walang maayos na sanitation practices ang naturang pabrika, gayundin ang kakulangan nito sa kinakailangang health and sanitation clearances.
Ayon kay Dr. Jessie Paul Culang, Chief ng City Sanitation Division, walang technical expertise ang mga homeowners association upang magpasya kung ang isang food manufacturing facility ay sumusunod sa tamang sanitation standards.
Dagdag pa ni Culang, bukod sa usapin ng sanitation compliance, may posible ring paglabag sa zoning regulations dahil hindi pinahihintulutan ang ganitong uri ng industrial operation sa loob ng isang residential subdivision. #
