Hiling na access ng EU election observers sa polling precincts, ni-reject ng Comelec
Hindi pinagbigyan ng Commission on Elections (Comelec) ang kahilingan ng election observers mula sa European Union (EU) na magkaroon ng access sa mga presinto sa mismong araw ng halalan sa May 12.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, taliwas ito sa mga umiiral na batas sa bansa at posibleng makagulo sa proseso ng pagboto.
Ipinaliwanag niya na tanging mga botante, electoral board, accredited poll watchers, at ilang Comelec personnel lamang ang otorisadong pumasok sa loob ng polling precincts, batay sa Omnibus Election Code.
Giit ni Garcia, kahit ang mga tauhan ng Comelec ay hindi basta-basta maaaring pumasok kung walang malinaw na otorisasyon. Kung sino man ang lalabag dito ay maaari umanong masampahan ng election offense.
Bagama’t iginiit ng mga foreign observer na ang pagbabawal sa kanila ay labag sa international standards, nanindigan si Garcia na tungkulin ng Komisyon na sundin at ipatupad ang batas ng Pilipinas. Aniya, handa silang harapin ang anumang negatibong ulat o pananaw mula sa EU observers.
Dagdag pa ng Comelec chief, kung lalabag sila sa sarili nilang regulasyon, mawawalan sila ng kredibilidad sa pagpapatupad ng batas laban sa mga kandidato o grupong lumalabag din dito. #
