Higit 860,000 na katutubo, target ng DOH at NCIP na mabigyan ng nutrition services
Pormal nang nilagdaan ang isang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Department of Health (DOH) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) nitong November 14 upang mapabuti ang kalusugan at nutrisyon ng higit 860,000 katutubo o Indigenous Peoples (IPs) sa 13 rehiyon ng Pilipinas.
Layunin ng kasunduan na ipatupad ang Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) sa mga IP community—isang programa na pinondohan ng World Bank.
Ang PMNP ay nakatuon sa pagpapababa ng stunting at malnutrisyon sa mga kabataan, partikular sa mga malalayong lugar at komunidad ng mga katutubo.
Kabilang sa mga serbisyong hatid ng proyekto ang:
- Antenatal Care o pagbibigay ng iron at folic acid para sa mga buntis at kababaihang nasa reproductive age group;
- Pagsusulong ng kalusugan at nutrisyon ng mga ina at bata; at
- Pagpapalakas ng mga inisyatibong pangkalusugan at nutrisyon sa iba’t ibang komunidad.
Paggalang sa kultura ng mga katutubo
Prayoridad ng kasunduan ang paggalang sa kultura ng mga katutubo. Tinitiyak rin nito na ang mga serbisyong pangkalusugan ay naaayon sa kanilang mga paniniwala, kaugalian, tradisyon, at institusyon.
Kaugnay nito, nakasaad ang pagkuha ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC) mula sa mga komunidad upang masiguro ang kanilang aktibong pakikilahok sa proyekto.
Sa isang mensahe na mula kay NCIP Chairperson Jennifer Pia Sibug-Las na ipinaabot ni NCIP Executive Director Mervyn H. Espadero, kanilang iginiit ang kahalagahan ng nutrisyon para sa long-term development ng Indigenous Cultural Communities.
“Sa pamamagitan ng MOU na ito, mas maitataguyod ang karapatan ng ating mga Katutubo, lalo na ang pagkakaroon ng serbisyong angkop sa kanilang kultura. Ang pagtutok sa nutrisyon ng ating Katutubong Pamayanan ay isang mahalagang hakbang patungo sa makatarungan at inklusibong pag-unlad,” saad ni Espadero.
Samantala, binigyang-diin naman ni DOH Secretary Teodoro J. Herbosa ang pangangailangan na maabot ang IP communities.
“Ang mga katutubo ay dapat magkaroon ng access sa mga serbisyong naaayon sa kanilang kultura, lalo na sa larangan ng kalusugan at nutrisyon. Mahalaga ito, kahit pa sila ay nasa mga liblib na lugar,” ayon kay Herbosa.
“This partnership aims to empower Filipino Indigenous Cultural Communities by providing them with access to culturally appropriate nutrition services to address malnutrition and protect Indigenous households, particularly women and children, from its devastating effects,” dagdag pa niya.
Ang pagsasanib-pwersa ng DOH at NCIP ay inaasahang magdudulot ng mga benepisyo sa kalusugan at nutrisyon ng IP communities.