Higit 6-M unused ballots nitong Halalan 2025, sisirain ng Comelec
Sinimulan na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsira sa mahigit 6-million unused ballots nitong nakaraang 2025 Midterm Elections sa National Printing Office sa Quezon City.
Sa report mula sa Philippine News Agency (PNA), sinabi ni Comelec Commissioner Rey Bulay, head of the Committee on Ballot Printing, nasa kabuuang 6,763,649 official ballots ang nakatakdang dalhin at tuluyang sirain sa isang melting facility sa Pampanga hanggang sa ikalawang linggo ng Hunyo.

Kasama rin sa sisirain ang 32,680 accountable forms. Ipinaliwanag ni Bulay na manu-manong pupunitin ang mga balota sa loob ng 10 araw bago dalhin sa Pampanga para tunawin.
Ayon pa sa kanya, ila-livestream at idodokumento ang buong proseso para maging transparent at mapanood ng publiko.
Iginiit din ni Bulay na mas mataas ang bilang ng mga balotang sisirain ngayong taon kumpara noong 2022 kung saan nasa 3-million lamang ang ‘di nagamit. Malaking dahilan umano nito ang mga error sa pag-imprenta at ang mga temporary restraining orders (TROs) ng Korte Suprema na huminto pansamantala sa ballot printing dahil sa diskuwalipikasyon ng ilang kandidato. #
