Higit 50-M Pilipino, may trabaho; unemployment rate, bumaba sa 3.9%: PSA August 2025 Labor Force Survey

Patuloy ang pagbuti ng lagay ng trabaho sa bansa matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 3.9% ang unemployment rate nitong August 2025, batay sa pinakahuling Labor Force Survey na inilabas nitong Miyerkules, October 8.
Ayon sa PSA, umabot sa 96.1% o mahigit 50 milyong Pilipino ang may trabaho ngayong taon — mas mataas kumpara sa 96% o 49.15 million noong August 2024. Tumaas din ang labor force participation rate sa 65.1%, katumbas ng 52.13 milyong Pilipinong kabilang sa pwersa ng paggawa.
Ibig sabihin, mas maraming Pilipino ang lumahok sa sektor ng paggawa at mas marami rin ang nabigyan ng trabaho, kasabay ng unti-unting pagbangon ng ekonomiya at paglakas ng services at construction sectors.
Pinakamalaki pa rin ang ambag ng services sector na may 61.5% share, sinundan ng agriculture (20.4%) at industry (18.1%). Sa mga subsector, nanguna ang wholesale at retail trade, agriculture and forestry, at construction sa may pinakamaraming manggagawa.
Bumaba naman ang bilang ng mga walang trabaho sa 2.03 million mula 2.07 million noong nakaraang taon, habang bumaba rin ang underemployment rate sa 10.7% mula 11.2% noong August 2024 — katumbas ng 5.38 milyong manggagawang naghahanap ng karagdagang oras o trabaho.
Karamihan sa mga empleyado ay wage and salary workers na nasa 64.4%, kung saan 78% ay mula sa mga private sector at 14.1% naman sa gobyerno.
Para sa mga kabataang edad 15 hanggang 24, bahagyang tumaas ang employment rate sa 88.3%, bagaman nananatili ang hamon ng 11.5% underemployment rate sa kanilang hanay.
Gayunman, sinabi ni PSA National Statistician at Civil Registrar General Usec. Atty. Claire Dennis Mapa na nananatili ang posibilidad ng pagbabago sa labor market para sa buwan ng Setyembre dahil sa mga bagyo at iba pang sakuna.
“May risk tayo sa September dahil marami na namang bagyo… may portion ng ating labor market na protected, gaya sa agricultural sector, may dependency sa weather conditions. Of course, yung lindol na nangyari sa Cebu ay maaaring magdulot din ng epekto sa employment,” ayon kay Mapa.
Sa kabuuan, ipinapakita ng ulat ng PSA na patuloy ang pagbuti ng labor force sa bansa, kasabay ng pagpapatupad ng mga programang naglalayong palakasin ang mga industriya, pataasin ang kalidad ng trabaho, at lumikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino sa iba’t ibang sektor. #
