Higit 1,200 magsasaka sa Pulilan, gagamit na ng biofertilizer
Sisimulan na ng mga magsasaka sa Pulilan, Bulacan ang paggamit ng biofertilizer bilang bahagi ng mas makakalikasan at mas matipid na paraan ng pagsasaka.

Nitong Miyerkules, May 13, ininspeksyon ng Department of Agriculture at Bureau of Soils and Water Management ang planta ng YAMA-N Biofertilizer sa Bulacan upang suriin ang kapasidad ng ROMARC Enterprises sa produksiyon ng biofertilizer.
Kasunod nito, nagkaloob ang kumpanya ng biofertilizer assistance sa lokal na pamahalaan ng Pulilan bilang suporta sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa bayan.
Layon ng hakbang na palawakin ang paggamit ng sustainable agriculture technologies at mabawasan ang pag-asa sa mas mahal na chemical fertilizers.

Ang biofertilizer ay isang uri ng pataba na tumutulong sa pagpapataas ng nutrisyon ng lupa at pagpapabuti ng kalusugan ng mga pananim.
Ayon kay Mayor RJ Peralta, inaasahang mahigit sa 1,200 magsasaka ang direktang makikinabang sa programa.

Matatandaang inirekomenda na rin ng Federation of Free Farmers ang paggamit ng biofertilizer bilang alternative bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan. #
