Higit ₱64.9-M ng shabu, nadiskubre sa 3 parcel na dumaan sa Port of Clark
Mahigit ₱64.9 million ng hinihinalang shabu ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa tatlong magkakahiwalay na parcel na dumaan sa Port of Clark nitong Mayo matapos matuklasang itinago ang mga ito sa iba’t ibang kargamento.



Ayon sa BOC, nitong May 25, sinuri ng mga awtoridad ang isang parcel mula Liberia na dumating sa Clark noong May 20 at ipadadala sana sa Cavite.
Nakasaad sa shipment documents na “car parts” ang laman ng parcel, ngunit natuklasan ang nasa 432 grams ng umano’y shabu na itinago sa loob ng mga wheel hub.
Sa parehong araw, natuklasan din ang pinakamalaking bahagi ng kontrabando mula sa isang shipment na nagmula naman sa Africa. Dumating ito sa Clark noong May 22 at nakatakdang ipadala sa Angeles City.
Idineklara ito bilang “green square plastic resin.” Subalit sa masusing inspeksyon, nadiskubre ang humigit-kumulang 8.5 kilo ng hinihinalang shabu na nakahalo at nakatago sa resin materials. Tinatayang nasa ₱57.8 million ang halaga nito.
Nitong May 26 naman, ininspeksyon ng mga awtoridad ang isang shipment mula India na dumating sa bansa noong May 25 at nakatakdang ipadala sa Camarines Sur.
Idineklara itong “industrial pistons,” ngunit nadiskubre ang humigit-kumulang 6.8 kilo ng hinihinalang shabu na itinago sa loob ng mga piston.
Sa kabuuan, umabot sa halos 15.7 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu ang nasabat sa tatlong shipment. Lumalabas na sinubukang itago ang mga kontrabando sa mga kalakal upang makalusot sa inspeksyon ng mga awtoridad.
Kinumpirma ng paunang pagsusuri gamit ang Rigaku spectrometer na positibo sa methamphetamine hydrochloride ang mga nakuhang sangkap. Isinumite na rin ang mga sample sa Philippine Drug Enforcement Agency para sa confirmatory testing.
Dahil dito, naglabas ang Bureau of Customs ng warrant of seizure and detention laban sa mga shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Patuloy naman ang koordinasyon ng BOC at iba pang law enforcement agencies upang matukoy ang mga nasa likod ng tangkang pagpupuslit ng ilegal na droga sa bansa. #
