Higit ₱105-M halaga ng smuggled na sigarilyo, nasamsam sa Bataan
Tinatayang ₱105.575 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) bunsod ng pinaigting na kampanya kontra iligal na kalakalan sa Bataan.

Isinagawa ang operasyon nitong Biyernes, January 9, sa isang compound sa Barangay Santa Isabel, Dinalupihan, na sakop ng Port of Limay.
Nadiskubre sa loob ng compound ang labindalawang (12) sasakyan na may kargang 1,030 master cases ng mga sigarilyong may tatak na Modern, RGD, Nise Baisha, HP, Power, Carnival, Playboy, at President.
Batay sa packaging, sinabi ng BOC na nagmula umano ang mga produktong tabako sa China, Vietnam, at Korea.
Lumabas din sa paunang imbestigasyon na ang mga smuggled na sigarilyo ay planong ipamahagi sa Region II at Central Luzon.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BOC upang matukoy ang mga responsable at maisampa ang kaukulang kaso. #
