High Tide, Hindi Habagat: Baha, hamon sa pagbubukas ng klase sa Macabebe Elementary School
Ilang araw bago ang pormal na pagbubukas ng klase, lubog pa rin sa baha ang ilang bahagi ng Macabebe Elementary School sa Pampanga.
Ngunit hindi umano ito dulot ng habagat, kundi ng high tide na matagal nang problema sa ilang paaralan sa Macabebe, lalo na sa mga coastal community.

Ayon kay Alvin Gozun, Department of Education (DepEd) Macabebe East District Supervisor, malaking hamon taon-taon ang pagbubukas ng klase dahil sa mataas na lebel ng tubig sa kanilang distrito. Sa ilang lugar, kinakailangan pang magbangka ng mga guro at mag-aaral para lamang makapasok sa paaralan.
Sa Macabebe Elementary School, apat na palapag na ang bagong disenyo ng ilang gusali upang maka-adapt sa pagbaha. Ganunpaman, dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig at isyu ng land subsidence o paglubog ng lupa, ilang beses na rin umanong rinehabilitate ang unang palapag ng ilang pasilidad upang tambakan at itaas ang flooring.
Samantala, ayon sa DepEd Schools Division Office ng Pampanga, may mga pag-aaral na silang ginagawa upang matugunan ang problema sa mga low-lying area. Kabilang sa mga tinitingnang solusyon ang pagtatayo ng mga bagong school building na may tatlong metrong taas ng unang palapag bilang paghahanda sa pagbaha.

Ang Macabebe East District ng DepEd ay binubuo ng 13 public elementary schools at apat na secondary school campuses. Kada taon, humaharap ang mga paaralang ito sa epekto ng pagbaha, high tide, land subsidence, at climate change sa ikaapat na distrito ng Pampanga.
Para sa mga guro at estudyante sa coastal communities, ang unang araw ng klase ay hindi lamang usapin ng pagbabalik-eskwela, kundi pakikipagsabayan sa tubig. #
