High-grade marijuana, nakumpiska ng BOC-Clark; 3 suspek, timbog sa Mabalacat City buy-bust
Nasabat kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs ang 712 grams ng high-grade marijuana o kush.
Idineklara umanong “jeans” ang naturang padala na nagmula sa California, USA, at dumating sa Pilipinas noong ikalawang linggo ng Enero, na may destinasyong Batangas.
Na-flag ang parcel sa X-ray inspection project matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe. Agad namang nagsagawa ng physical inspection ang mga customs examiner sa presensya ng mga operatiba ng PDEA, PNP, at iba pang mga otoridad.
Dito, natuklasan ang isang plastic bag na naglalaman ng tuyong dahon at mga fruiting tops na pinaghihinalaang marijuana.
Nakumpirma ang ilegal na droga matapos ang chemical analysis sa kinuhang sample ng PDEA.
Tinatayang nagkakahalaga ng ₱1.068 million ang nasamsam na kush.
Naglabas ng warrant of seizure and detention laban sa nasabing shipment batay sa Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act, kaugnay ng R.A. No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ayon kay District Collector Jairus Reyes, layunin ng operasyon na panatilihing ligtas ang mga airport gateway at pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa mga komunidad.
Muling iginiit ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na nananatiling alerto at alisto ang mga opisyal ng BOC, katuwang ang mga law enforcement agency, upang maprotektahan ang hangganan ng bansa at patuloy na maging ligtas ang publiko laban sa ilegal na droga.
Samantala, tatlong drug suspect naman ang nasakote sa anti-illegal drugs campaign ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong linggo, January 25, sa Mabalacat City.
Isinagawa ang buy-bust operation bandang 8:56 PM sa isang makeshift drug den sa Barangay Biabas, sa pagtutulungan ng PDEA Tarlac at Pampanga Provincial Offices, kasama ang Mabalacat City Police.
Na-recover sa mga suspek ang walong pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱54,400, kasama ang iba pang drug paraphernalia at buy-bust money.
Inihahanda na ang mga kasong paglabag laban sa mga suspek batay sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. #
