Halos ₱4-B “floating drugs”, nadiskubre sa Pangasinan
By Ashley Punzalan, CLTV36 News
Nadiskubre ng 29 na lokal na mangingisda ang 588 vacuum-sealed transparent plastic packs na naglalaman ng hinihinalang shabu at may timbang na halos 587.88 kilograms sa mga dalampasigan ng Pangasinan nitong June 5 at 6, 2025.

Tinatayang nagkakahalaga ng ₱3,997,040,000 ang mga na-recover na droga mula sa coastal barangays ng Dacap Sur, Bani; Boboy, Agno; at Luciente I, Balingasay, Poblacion, Bolinao.
Agad namang isinurrender ang mga ito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Philippine Navy (PN) at National Bureau of Investigation (NBI).

Matatandaang nitong May 29, aabot sa 10 sakong naglalaman ng halos ₱2-bilyong halaga ng shabu ang natagpuang palutang-lutang malapit sa Bajo de Masinloc, Zambales.
Bagama’t inaalam pa ng mga otoridad ang pinagmulan ng iligal na droga, tuloy-tuloy naman umano ang pagpapalakas ng kanilang operasyon upang maiwasan ang paggamit ng ating karagatan bilang dropping at transshipments point ng droga sa bansa.
