Halos ₱100-M halaga ng ketamine, nasabat sa 2 shipment sa Port of Clark
Hindi nakalusot sa mata ng mga otoridad ang dalawang kahina-hinalang kargamento na dumaan sa Port of Clark. Sa likod ng deklarasyong coffee products at cleaning powder, natuklasan ang halos 20 kilo ng ketamine na nagkakahalaga ng ₱99.445 million.
Ayon sa Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark, nagmula sa Switzerland ang unang shipment na may 9.882 kilo ng ketamine at patungo sa Mandaluyong City. Mula naman sa Amsterdam ang ikalawang kargamento na tumitimbang ng 10.007 kilo at nakatakdang ipadala sa Montalban, Rizal.
Nadiskubre ang mga kontrabando noong October 22 sa isinagawang physical inspection ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency. Kinumpirma rin sa laboratory examination na ketamine ang mga nakuhang substance.
Ipinagbabawal ang ketamine sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dahil dito, paiigtingin daw ng BOC ang pagsusuri sa mga dokumento at pag-iinspeksyon sa mga pumapasok na kargamento, lalo na ngayong inaasahang dadami ang mga parcel at shipment sa bansa dahil sa holiday season. #
