Freeport Area of Bataan, 100% renewable energy-powered na

Isang makasaysayang hakbang tungo sa cleaan energy ang naisakatuparan sa lalawigan ng Bataan matapos ideklarang 100% nang pinapatakbo ng renewable energy ang buong Freeport Area of Bataan (FAB).
Sa pangunguna ng Authority of the Freeport Area of Bataan (AFAB), matagumpay na natapos ang proyekto na gumagamit ng kombinasyon ng solar at geothermal power upang tugunan ang buong energy demand ng main zone ng FAB.

Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng inisyatiba ang 6-megawatt rooftop solar facility na naka-install sa 14 na factory buildings. Direktang nagbibigay ito ng kuryente sa mga locator, dahilan upang mabawasan ang pag-asa ng freeport sa national power grid.
Bukod dito, nakikinabang din ang FAB sa 20-megawatt Mariveles Solar Plant ng Citicore Solar Bataan Inc. sa Barangay Alas-asin, na tumutugon sa peak demand tuwing araw. Para naman sa tuloy-tuloy na operasyon, kumukuha ang AFAB ng baseload power mula sa Tongonan Geothermal Power Plant sa Leyte na may kapasidad na 600 megawatts.

Ayon kay AFAB Administrator at CEO Hussein Pangandaman, ipinapakita ng milestone na ito na posible ang pagsulong ng industriyalisasyon nang hindi isinasakripisyo ang kalikasan.
Sa kabuuan, ang FAB ay isa nang modelo ng sustainable at future-ready industrial hub sa bansa—isang konkretong halimbawa ng kung paano maisusulong ang industril development sa pamamagitan ng malinis at mas maaasahang enerhiya. #
