Free college beneficiaries sa bansa, nais dagdagan ni Sen. Aquino

Balak palawakin ni Senator Bam Aquino ang bilang ng mga estudyanteng makikinabang sa libreng kolehiyo sa ilalim ng panukalang 2026 national budget.
Sa pagdinig ng budget ng Commission on Higher Education (CHED) nitong October 17, tiniyak ni Aquino, na siya ring pangunahing may-akda ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, na patuloy na makatatanggap ng tulong mula sa gobyerno ang 3.5 million beneficiaries ng programa.
Aniya, layunin nilang dagdagan ang bilang ng scholarships upang mas maraming kabataan ang magkaroon ng pagkakataong makapagtapos ng kolehiyo.
Sa ngayon, nasa 2.2 milyong estudyante na naka-enroll sa state universities and colleges at local universities and colleges ang sakop ng naturang batas, habang 1.3 milyong estudyante sa private educational institutions ang nakakapag-aral sa pamamagitan ng Tertiary Education Subsidy (TES0 at Tulong Dunong Program (TDP).
Kaugnay niyan, hinimok ni Aquino ang CHED na maglabas ng malinaw na schedule at target number ng scholarship beneficiaries upang masubaybayan ng Senado ang implementasyon at matiyak ang sapat na pondo para sa programa ng libreng edukasyon.
Bukod dito, nanawagan ang mambabatas na pasimplehin ang mga patakaran sa TES at TDP para mas marami pang kabataang mula sa mahihirap na pamilya ang mapabilang sa naturang programa. #
