Food kiosk na nagbibigay ng libreng pagkain, binuksan sa loob ng Camp Olivas
Pormal nang binuksan ng Philippine National Police Regional Office 3 (PRO 3) nitong Lunes, March 13 ang kauna-unahang food kiosk na nag-aalok ng libreng almusal at meryenda.
Matatagpuan ito sa loob ng kanilang headquarters sa Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga.
Ang food kiosk na may pangalang “The Boy’s Corner” ay bahagi raw ng inisyatiba ng Regional Director ng PRO3 na si Police Brigadier General Jose S. Hidalgo Jr.
Layunin umano nito na isulong ang isang positibo at malusog na work environment sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng pagkain sa kanilang tauhan at iba pang mga kawani.
Makatutulong rin daw ito sa decision-making at pagiging aktibo ng isang pulis na lubhang kailangan sa kanilang trabaho.
Ang food kiosk ay mayroon umanong kapasidad na makapagbigay ng almusal sa 200 katao at 100 katao naman para sa meryenda na kanilang ibibigay sa first come, first serve basis.
Libre ang almusal mula 7 AM hanggang 9 AM habang ang libreng meryenda ay tatagal mula 3 PM hanggang 5 PM.