Flood control at iba pang proyekto ng gobyerno, pwede nang i-monitor online sa Project DIME
Inilunsad ng Department of Budget and Management (DBM) ang Project DIME o Digital Information for Monitoring and Evaluation, na isang online platform na layong masilip at masubaybayan ng publiko ang mga malalaking proyektong pinopondohan ng gobyerno, kabilang na ang flood control projects.
Sa pamamagitan ng satellite, drones, at geotagging technology, makikita ng taumbayan ang aktuwal na progreso ng mga proyekto. Maaari ding magbigay ng feedback o puna ang publiko gamit ang Google at iba pang social media platforms na nakaugnay sa programa.
Sinimulan ng DBM ang programa nitong Miyerkules, August 27, kasabay ng mga imbestigasyon hinggil sa mga kuwestiyonableng kontrata at kontrobersyal na proyektong kontra-baha.
Ayon kay DBM Secretary Mina Pangandaman, malinaw ang bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tiyakin ang transparency at access sa impormasyon upang masiguro ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.
Nauna nang inilunsad ang Project DIME noong 2018, ngunit muling binuhay sa ilalim ng Executive Order No. 31 na nilagdaan noong 2023. Layunin nitong palakasin ang Philippine Open Government Partnership at higit na maisulong ang transparency at accountability sa pamahalaan.
Matatandaang noong August 4, inanunsyo mismo ni Pangandaman ang pagbabalik ng Project DIME sa isang panayam sa CLTV36 matapos ang kanyang inspeksyon sa mga flood control projects sa Pampanga. #
