Fishing tourney sa Subic, isusulong ang turismo, pangangalaga sa kalikasan
Magsasama-sama ang mga lokal at dayuhang mangingisda para sa kauna-unahang Subic Bay Shore Fishing Tournament na gaganapin sa San Bernardino Fishing Site, Subic Bay Freeport Zone mula August 8-10.
Layunin ng patimpalak, na inorganisa ng Fish’n Town katuwang ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), na isulong ang responsableng pangingisda habang ipinapakita ang yaman ng karagatang sakop ng Subic.
Ayon sa SBMA, bahagi ang aktibidad ng mas malawak na plano na gawing pangunahing destinasyon ng sport fishing ang Subic Bay sa Hilagang Luzon.
Isa rin umano itong hakbang upang palakasin ang outdoor tourism na nakatuon sa pangangalaga sa kalikasan.
Inaasahang makatutulong ito sa turismo ng Central Luzon sa pamamagitan ng mga bisitang gagamit ng mga pasilidad at serbisyo sa lugar.
Dagdag pa ng SBMA, sa dami ng mga nagpaparehistrong kalahok, ipinakikita umano nito ang lumalakas na interes ng mga tao sa shore fishing sa bansa. #
