First-ever Floating Clinic sa Pinas, nagseserbisyo na sa Pampanga
PAMPANGA — Higit nang mapapanatag ang mga nasa coastal community sa pagbubukas ng Kalingang Kapampangan Floating Clinic, ang kauna-unahang floating healthcare facility sa Pilipinas.


Ang 112-square meter na pasilidad ay maghahatid ng iba’t ibang serbisyong medikal sa coastal at remote communities. Kabilang na rito ang laboratory procedures (blood extraction, ECG, X-ray, at ultrasound) pati OB-Gyne consultations, dental at ophthalmology services, minor procedures, at pharmacy support.
Ayon sa Provincial Government ng Pampanga, libre ang medical services na ito sa ilalim ng Alagang Nanay Preventive Healthcare Program.
Una nang nagbenepisyo sa floating clinic ang nasa 200 pasyente ng Brgy. Malusac, Sasmuan.
Pinangunahan nina Gov. Lilia “Nanay” Pineda at Vice Governor Dennis “Delta” Pineda ang pagbubukas ng bagong pasilidad sa naturang bayan nitong Huwebes, March 19. Dumalo sa inagurasyon nito sina 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo, Nanay Partylist Rep. Florebel Yatco, at mga opisyal mula PhilHealth at Department of Health.
Inaasahang maglalayag sa iba pang barangay ang floating clinic at magtatagal nang isang linggo o higit pa sa bawat lugar depende sa bilang ng mga pasyenteng mangangailangan ng kalinga at tulong. #
